MANILA, Philippines — Obligado na ang mga magsasaka at mangingisda sa Bulacan na magsuot ng face mask at face shield habang nasa bukid at nagtatanim ng palay at habang nasa laot at nanghuhuli ng isda.
Ito’y sa sandaling mapirmahan ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang ordinansa na iniakda ni Third District Board Member Atty. Emily Isidro Viceo.
Subalit nakasaad din sa ordinansa na kung nag-iisa ka lamang na magtatrabaho sa bukid o palaisdaan, hindi mo na kailangan magsuot ng face mask at face shield.
Inoobliga lamang ang pagsusuot ng facemask at faceshield kung marami kayong nagtatanim at nangingisda dahil hindi nasusunod sa mga ganung pagkakataon ang physical distancing.
Kasama rin sa nasabing ordinansa ang mga motorcycle rider na kailangang mag-face mask habang nakasuot ang whole face helmet.
Ang mahuhuling lumabag ay pagmumultahin at may kasama pang kulong.