MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nasusunod ng mga Distribution Utilities (DUs) ang itinakda nilang system loss cap.
Ito’y sa harap na rin ng akusasyon sa More Electric and Power Corporation (More Power) na mas mataas ang systems loss na sinisingil nito sa kanilang mga customers.
Ayon kay ERC Chairman Agnes Devanadera, mahigpit nilang minomonitor ang pagsunud ng mga DUs sa itinakda nilang system loss cap.
Sa ilalim ng ERC rules, ang mga DUs ay kailangang magsumite ng kanilang system loss reports kada buwan gayundin ang sworn statement annual report na nagpapakita ng kanilang system loss kaya naman namomonitor ng ahensya kung mayroong hindi sumusunod.
Matatandaang inakusahan ng grupong Koalisyon Bantay Kuryente (KBK) na kaalyado ng dating Distribution Utility na Panay Electric Company (PECO) na 7.1% ang sinisingil na system loss ng More Power na mataas sa 6.5% na siya lamang itinatakda ng ERC.
Mali umano rito ang PECO dahil sa katunayan, mula nang magsimula ang kanilang operasyon noong Pebrero 2020 ay nasa 6% system loss lang ang kanilang pinapasa sa mga Iloilo power consumers na mas mababa pa sa itinatakda ng ERC.
Nangako ang More Power na maaasahan ng 65,000 Iloilo power customers na mas bababa pa ang kanilang system loss sa loob ng susunod na 3 taon resulta na rin ng kanilang ipinatutupad na modernization program.
Dalawang klase ang system loss, ang una ay technical o ang nawawalang kuryente habang nagtatransmit ito mula sa generation company patungo sa mga DUs kaya kung maayos ang distribution system ay mas malaki ang tiyansa na walang maaksayang kuryente.
Ang ikalawa ay non-technical, o ang nawawalang kuryente dahil sa pilferage o pagnanakaw sa pamamagitan ng paggamit ng jumper. Ang bayad sa nawawalang kuryente na ito ay sinisingil din sa mga customers sa pamamagitan ng system loss charge.