MANILA, Philippines — Ipinagtanggol ng Malacañang ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Dante Gierran, dating NBI director, bilang pinuno ng PhilHealth kahit walang kaalaman sa kalusugang publiko — sa dahilang abogado't accountant naman daw siya.
Kwinekwestyon kasi ngayon nang marami ang kwalipikasyon ni Gierran sa PhilHealth matapos niyang aminin na wala siyang kaalaman sa public health sa panayam ng ANC.
Basahin: Bagong hepe ng PhilHealth, na dating taga-NBI, walang alam sa public health
"Wala naman po siyang bahid ng corruption, he is a [certified public accountant]-lawyer and a seasoned investigator. Indispensable po para malinis ang PhilHealth," wika ni presidential spokesperson Harry Roque sa virtual briefing, Martes.
Sa Section 14 ng Universal Health Care Act, inilatag ang mga iba't ibang kwalipikasyon ng isang PhilHealth president at chief executive officer:
"[T]he Board cannot recommend a President and CEO of PhilHealth unless the member is a Filipino citizen and must have at least seven (7) years of experience in the field of public health, management, finance, and health economics or a combination of any of these expertise."
Kasalukuyang nadadawit sa kontrobersiya ang ilang dating opisyal ng PhilHealth gaya nina Ricardo Morales, ang pinalitan ni Gierran, matapos diumano ibulsa ang P15 bilyong pondo ng pamahalaan, paboran ang ilang ospital at aprubahan ang pagkuha ng mga "overpriced" information technology (I.T.) equipment.
"He is a financial expert, dahil siya po ay isang CPA. 'Yan po 'yung hirap sa mga normal na abogado kagaya ko. Alam namin ang ebidensya... Alam namin paano maglitis sa hukuman, pero pagdating na sa mga financial statements eh talagang wala, hindi namin maintindihan," dagdag pa ni Roque.
"Pero si Director Gierran po, siya po ay CPA, lawyer. So maiintindihan po niya 'yan at mas importante nga po sa paglilitis ng mga magnanakaw diyan sa PhilHealth 'yung nakakaintindi ng mga financial reports."
Sa kabila ng kakulangan sa karanasan, nakikiusap si Gierran na pagbigyan siyang maglingkod sa publiko. Aniya, takot siya sa bagong trabaho ngunit layuning magtagumpay lalo na't hindi naman daw siya duwag.
Hihingi rin daw siya ng mga payo kay Morales kung paano epektibong mapapamunuan ang state health insurance corporation: ""I will talk to you later, sir. I have much to learn from you."