MANILA, Philippines — Muling bubuksan ngayong araw (Setyembre 1) ang voter’s registration sa iba’t ibang sangay nito para sa darating na 2022 national elections.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na kailangang samantalahin na ng publiko ang pagpaparehistro upang maiwasan ang mga dating karanasan na nagsisiksikan sa mga huling araw nito bago sumapit sa palugit.
Magpapatupad rin ng mga karagdagang pag-iingat ang Comelec para maiwasan na kumalat ang COVID-19. Kabilang dito ang pagpapaigsi sa pagtanggap ng aplikasyon mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon lamang at mula Martes hanggang Sabado.
Isasagawa kasi ang lingguhang paglilinis at disinfection sa mga tanggapan ng Comelec tuwing Lunes.
Kinakailangan din na magsumite ang mga magpaparehistro ng “coronavirus self-declaration form” na maaaring ma-download sa Comelec website. Mahigpit rin ang pagbabawal sa sinuman na pupunta sa Comelec office nang walang suot na face mask at face shield.
Hinihikayat din ang mga botante na magdala ng sariling ballpen habang lilimitahan din ang bilang ng mga taong papayagang makapasok sa loob ng Comelec offices para istriktong maipatupad ang physical distancing.
Hinihimok din nila na magpa-appointment ang mga magpaparehistro sa halip na mag-walk-in lamang.
Inaasahan na aabot ng hanggang apat na milyong botante ang magpaparehistro sa bansa lalo na ngayong mas mulat na aniya ang publiko sa kahalagahan nito para makaboto sa eleksiyon.