Duterte tatapusin ang termino

Sinabi ni Sen. Bong Go na nangako ang Pangulong Rodrigo Duterte na patuloy na patatakbuhin ang bansa at ilalagay sa ayos ang buhay ng mamamayang Filipinos.
Presidential Photo/King Rodriguez, file

Tiniyak ni Bong Go

MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Sen. Bong Go sa samba­yanang Filipino na matatapos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang termino hanggang sa 2022 at mabubuhay pa nang maraming taon ang Punong Ehekutibo.

Ginawa ni Sen. Go ang pahayag na ito dahil sa maraming lumalabas na espekulasyon hinggil sa kalusugan ng Pangulo matapos magsalita ang Chief Executive ukol sa kanyang sakit na Barrett’s esophagus.

“Alam ninyo, mahigit 22 years na kaming magkasama ni Pangulo at halos taun-taon ko nang naririnig ang Barrett’s esophagus na ‘yan. Naikukuwento niya kung kani-kanino, ‘di naman ganun kalala. Nakukuwento niya na habang tumatanda tayo, marami nang ipinagbabawal,” ani Go sa panayam.

Tiniyak ng senador na wala tayong dapat na ipag-alala dahil “physically fit and is in good shape” ang Presidente para patuloy na pangunahan ang bansa. Siniguro rin ni Go na tatapusin ng Presidente ang kanyang termino at mabubuhay pa siya nang mahaba.

Sinabi ni Go na nangako ang Pangulo na patuloy na patatakbuhin ang bansa at ilalagay sa ayos ang buhay ng mamamayang Filipinos.

“Bagama’t may edad na ang Pangulo, ginagawa n’ya ang lahat para sa mga Pilipino. Buo ang kanyang loob na gampanan ang kanyang tungkulin bilang ama ng buong sambayanan na tumatayong poste ng ating tahanan para maalagaan at maprotektahan ang bawat Pilipinong itinuturing niyang anak,” aniya.

Matatandaan na inamin ni Pangulong Duterte na bukod sa Barett’s esophagus ay mayroon din siyang sakit na GERD, Buerger’s disease, sakit sa likod at migraine.

Show comments