Mga ospital sa Metro Manila lumuwag na sa COVID-19 patients
MANILA, Philippines — Unti-unti nang lumuluwag ang mga ospital o bed occupancy rate sa Metro Manila na epekto umano ng pagsasailalim ng pamahalaan sa dalawang linggong modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Cpital Region (NCR) noong Agosto 4 hanggang 18.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay nakikitaan na nila ng pagbabago ang bed occupancy rate sa mga pagamutan sa Metro Manila.
Sinabi ni Vergeire na bago ipinatupad ang MECQ ay nasa hanggang 86% na ang occupancy rate ng mga pagamutan sa NCR.
Ngunit matapos aniya ang dalawang linggong MECQ ay nasa 76% na lamang ito ngayon.
“Gradual, nakikita natin nade-decongest ‘yong mga ospital. From naghi-hit tayo bago tayo mag-MECQ ng mga 86, 81 percent sa occupancy rate sa National Capital Region. Ngayon naman, napapababa natin ng kaunti. Nasa 76 percent tayo, although much is still one thing,” ani Vergeire.
“As the days go by, as we do our analysis, makikita natin ‘yong unti-unting epekto nitong dalawang linggong ibinigay sa atin for MECQ,” aniya pa.
Matatandaang bumilis ang pagdami ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa matapos na magpatupad ng mas maluwag na community quarantine ang pamahalaan sa Metro Manila.
Dahil dito, nanawagan ang medical community sa pamahalaan na magpatupad muna ng enhanced community quarantine (ECQ) sa loob ng dalawang linggo upang mapabagal ang pagkalat ng virus.
Pinakinggan naman ng pamahalaan ang panawagan at nagpatupad ng 15 araw na MECQ sa Metro Manila, gayundin sa mga lalawigan na kakakitaan ng pagdami ng kaso ng COVID-19, kabilang ang Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.
- Latest