MANILA, Philippines — Aprubado na ng Food and Drug Administration (FDA) ang clinical trial ng Lagundi para magamit ng mga pasyenteng dinapuan ng COVID-19.
Ayon kay Secretary Fortunato de la Peña ng Department of Science and Technology, nagsimula na ang trials kahapon sa tatlong quarantine centers.
Ayon kay de la Peña, ang clinical trials ay gagawin sa Quezon Institute quarantine center, Sta. Ana Hospital at sa Philippine National Police NCR community quarantine center.
Sinabi rin ni de la Peña na hindi pa lumalabas ang approval ng FDA sa paggamit naman ng halamang Tawa-Tawa na pangangasiwaan ng UP Visayas.
“Ngayon, iyon pong trials sa Tawa-Tawa, hindi pa lumalabas iyong FDA approval, at iyan po ay pangangasiwaan naman ng isang … ito po ay pangangasiwaan ng ating doktor doon naman sa UP Visayas iyong Tawa-Tawa trial,” ani de la Peña.
Layunin nang paggamit ng mga halamang gamot ang maibsan ang mga sintomas ng COVID-19 katulad ng ubo, lagnat at sakit ng lalamunan.
Partikular na aalamin sa clinical trials kung makatutulong ang naturang halamang gamot upang bumaba ang posibilidad na lumala pa ang sakit ng mga pasyente.
Malaking bagay aniya kung giginhawa ang pakiramdam ng mga pasyente na “mild” ang kaso.
Inihayag din ni de la Peña na nasa 200 pasyente ang kasali sa paggamit ng Lagundi.
Bukod sa Lagundi, isinasailalim na rin sa clinical trials ang VCO o virgin coconut oil laban sa COVID-19.