P19-M multang parusa ipinataw sa Meralco kaugnay ng 'lockdown kuryente bills'

Ang pagbaba ng singil ay bunsod na rin ng pagbaba ng generation charges ng 21.03 sentimo/kWh at naging P4.1241/kWh na lamang nitong Agosto.
KJ Rosales/File

MANILA, Philippines — Pinagbabayad ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) ng aabot sa P19 milyon matapos aniya labagin ng kumpanya ang advisories ng gobyerno sa paniningil ngayong ipinatutupad ang community quarantine kontra coronavirus disease (COVID-19) mula Marso hanggang Hulyo 2020.

Ang parusa ng power distributor ay idinetalye ng ERC sa kautusang pinetsahang ika-20 ng Agosto ngunit inilabas lang ngayong araw.

"MERALCO, in particular, violated the following ERC directives: (1) failure to clearly indicate that the bills were estimated; and (2)  Failure to comply with the mandated installment payment arrangement," sabi ng ERC sa isang pahayag, Huwebes.

Sa pagsusuri ng ERC, nakapag-ipon ang Meralco nang aabot sa 190 araw na paglabag. Aniya, minultiply niya ang P100,000 multa sa bilang ng infractions — bagay na umabot sa P19 milyon.

"MERALCO’s neglect to provide accurate and timely information especially during this time of pandemic has created chaos and confusion to most of the electricity consuming public," paliwanag ni ERC chairperson and CEO Agnes VST Devanadera.

"This serious neglect by MERALCO resulted to a multitude of complaints filed by its consumers to this Commission."

Aniya, naglabas ng mga kinakailangang advisories ang komisyon sa layuning mapagaan ang hirap nang marami sa pera ngayong maraming nawalan ng trabaho at nagsarang negosyo kasabay ng lockdown.

Basahin: 'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19 | 'Joblessness' sa Pilipinas pinakamataas sa 45.5% noong Hulyo — SWS

'Bill shock'

Matatandaang sinuspindi ng Meralco ang kanilang aktwal na meter reading kasabay ng mga lockdowns, at nagpatupad ng "averaging scheme" sa mga singilin ng kuryente. Dahil diyan, nagdoble o triple ang electricity bills ng ilang consumers noong Mayo at Hunyo.

Inutusan din ng ERC ang Meralco na huwag munang maningil ng distribution, supply at metering (DSM) charges ng lifeline consumers sa susunod na buwan para sa mga hindi naman lumalagpas ng 100 kilowatt hours ang kinokonsumo monthly para makaramdam naman ng kaonting ginhawa ang 2 milyong customer nang hindi bababa sa isang buwan.

"In real time response to the changes brought forth by the pandemic, the Commission hereby intervenes and provides relief to the most affected consumers in the form of discount to the applicable retail rate," panapos ni Devanadera.

Mayo nang utusan ng ERC ang Meralco at iba pang power distributors na baguhin ang kanilang singilin para sa buwang Marso at Mayo at magsagawa ng actual meter readings na batay sa tunay na konsumo ng kuryente.

Ayon naman kay Jose Ronald Valles, head ng Regulatory Affairs ng Meralco, pag-aaralan nila ang utos at maghahain ng kanilang appropriate pleading. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5

Show comments