440 private schools, nagsara
MANILA, Philippines — May 440 private schools ang pansamantalang nagsara at tumigil ng kanilang operasyon ngayong School Year 2020-2021 dahil sa kakaunting enrollees.
Sa datos ng Department of Education (DepEd), ang bilang ay mula sa 14,435 private schools sa bansa.
Ang Central Luzon ang may pinakamaraming pribadong paaralan na nagsuspinde ng operasyon na umabot sa 88.
Sumunod ang Calabarzon na may 67 at National Capital Region na may 54.
Una nang sinabi ng DepEd na kaunti ang bilang ng mga estudyanteng nagpa-enroll sa private schools matapos na maapektuhan ng COVID-19 pandemic ang kita ng kani-kanilang pamilya.
Sa rekord ng DepEd, hanggang nitong Lunes ay nasa 1.7 milyong estudyante pa lang ang nagpa-enroll sa private schools.
Ang naturang bilang ay 41.47% lamang ng 4.3 milyong estudyante na pumasok sa mga pribadong paaralan noong nakaraang taon.
Ayon sa DepEd, umabot naman sa 398,010 ang bilang ng mga private school students na lumipat sa mga public schools hanggang nitong Lunes.
- Latest