MANILA, Philippines — Nangako ang Manila Electric Company na hindi muna magpuputol ng kuryente hanggang Oktubre ng taong ito habang magbibigay rin ng P101-M relief sa mga consumer nito sa gitna na rin ng pandemya sa COVID-19.
Ayon kay Speaker Alan Peter Cayetano, pinakinggan ng Meralco ang apela ng Kamara na magbigay ng relief sa mga lifeline customers nito at palawigin rin ang deadline sa pagbabayad ng electricity bills.
Sa katatapos na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Meralco President at Chief Executive Officer Ray Espinosa na ang kumpanya ay magbibigay ng P101M relief sa mga customer nito na gumagamit ng mas mababa sa 100 kilowatt –hours kada buwan.
Una rito, pinakiusapan ni Cayetano si Meralco Chairman Manuel Pangilinan at Senior Vice President Atty. William Pamintuan nitong Hulyo na ikonsidera ang pagbibigay ng 50% discount at iantala muna ang paniningil sa electricity bills lalo na sa mga naapektuhang sektor.
Sa nasabing pagdinig, sinabi ni Espinosa na ang relief ay katumbas ng distribution charge na 2.77M lifeline customers noong Pebrero 2020.