MANILA, Philippines — Ipinaalala ni Sen. Christopher “Bong” Go sa Philippine Statistics Authority na tiyakin ang matagumpay na implementasyon ng Philippine Identification System (PhilSys) na siyang susi o mabisang sangkap upang masugpo ang mga maanomalyang transaksyon at serbisyo sa gobyerno.
Ayo kay Go, matagal na dapat naipatupad ang national ID system lalo’t natuklasan ang mga problema sa pagbibigay ng serbisyo sa taongbayan ngayong may pandemya.
Matatandaang nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11055 noong August 2018 na naglalayong lumikha ng PhilSys Registry, isang integrated at efficient ID system na pagsasama-samahin ang kasalukuyang government-initiated ID systems.
Batay sa batas, ang bawat citizen at resident alien ay magkakaroon ng unique at permanente nang identification number na magsisilbing standard number sa lahat ng ahensiya ng gobyerno. Sa pamamagitan nito, hindi na kakailanganin pa ng isang indibidwal ng iba’t ibang porma ng identification.
Naniniwala si Go na ang lumalawak na paggamit ng mga sopistikadong teknolohiya at bagong paraan sa pagpoproseso ng mga datos ay makapagbibigay ng solusyon sa pagpapabuti ng serbisyo sa publiko, maayos na pamamahala at mababawasan ang katiwalian o red tape.