PhilHealth execs pinakakasuhan na ng Senado
MANILA, Philippines — Inirekomenda ng Senado na sampahan ng mga kasong malversation at graft si Philhealth President Ricardo Morales at iba pang matataas na opisyal ng Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth).
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, kabilang sa mga kasong inirekomenda ng Senate Committee of the Whole na isampa laban kay Morales at mga opisyal ng PhilHealth ay malversation, paglabag sa Anti-graft and Corrupt Practices Act o RA3019 at National Internal Revenue Code, at perjury.
Bukod kay Morales, pinakakasuhan din sina Fund Management Sector senior vice president Renato Limsiaco Jr., senior vice president at chief information officer Jovita Aragona, at senior ICT officer Calixto Gabuya Jr.
Paliwanag ni Lacson, ang nasabing mga PhilHealth officials ay nagkasala ng malversation nang ipatupad nila ang interim reimbursement mechanism (IRM) na umaabot sa P14.9 bilyon gayung hindi pa epektibo ang circular nito at paglilipat din ng pondo sa dialysis centers, infirmaries at maternity centers.
“Meron pang violation ng National Internal Revenue Code tapos may falsification pa. May anti-graft pa, ‘yung RA 3019, kasi hinugot nila doon sa corporate operating budget ‘yung pondo. E pera ng gobyerno ‘yun. Hindi puwedeng gamitin ‘yun na pambayad ng tax,” paliwanag ni Lacson.
Para sa senador, dapat din kasuhan dahil sa umano’y ovepricing ng ICT system ng PhilHealth sina Aragon at Gabuya.
Pinakakasuhan din ng perjury ang mga opisyal dahil sa pagsisinungaling under oath sa pagdinig ng Senado.
Ipinauubaya naman ni Lacson sa binuong task force ni Pangulong Duterte kung sasampahan din ng kaso ang mga board member ng PhilHealth.
Habang naniniwala naman si Lacson na mismong mga miyembro ng PhilHealth executive committee ang siyang “mafia”.
Dahil lumalabas umano na ang execomm sa central office ang naghahanda ng masterlist ng mga health care institutions na bibigyan ng pondo mula sa IRM base sa testimonya ng mga regional vice president ng PhilHealth sa padinig ng Senado.
- Latest