Conspiracy case na isinampa ng PECO ibinasura ng DOJ

MANILA, Philippines — Dahil umano sa kawalan ng sapat na merito, ibinasura ng Department of Justice(DoJ) ang kasong graft, conspiracy at falsification of public documents na isinampa ng Panay Electric Company (PECO) laban sa mga kritiko nito na kinabibilangan ng mga abogado at advocates na siyang nasa likod ng ‘No to PECO Franchise Renewal’.

Sa resolution na ipinalabas ng DoJ na sinulat ni Prosecutor General Benedicto Malcontento, sinabi nito na walang basehan ang kasong isinampa ng PECO laban kina Atty. Joshua Alim, Atty. Plaridel Nava II, Dr. Marigold Gonzales at Jane Javellana.

“It is clear as the day that the respondents did not falsify any document,” nakasaad sa resolusyon na pirmado din nina DOJ State Prosecutor Gilmarie Fe Pacamarra at Senior State Prosecutor Richard Anthony Fadullon.

Ang kaso ay nag-ugat matapos ang kumalat na manifesto ng mga Iloilo consumers na “No to PECO Franchise Renewal” na sinasabing pinasimulan ng mga respondents. Ang nasabing manifesto ay kumalat sa Iloilo hanggang sa Kongreso kung saan dinidinig noon ang franchise renewal application ng PECO.

Iginigiit ng PECO na ang manifesto na may lagda ng may 27,000 residente ay pineke at naglalayon lamang na paboran ang More Electric and Power Corp. (More Power).

Patukoy sa reklamong graft na isinampa laban kina Alim at Nava na kapwa dating Iloilo City Councilors, sinabi ng DoJ na wala silang nakita na naging paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) ng dalawang opisyal nang lumagda ito sa manifesto.

Una nang idinepensa nina Alim at Nava na ang kanilang reklamo at aksyon laban sa PECO ay kanilang tungkulin bilang halal na opisyal.

Show comments