Sen. Go sa NBI: PhilHealth documents bantayan

Posibleng ebidensiya sa probe balak wasakin

MANILA, Philippines — Hiniling na ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go sa National Bureau of Investigation (NBI) na proteksiyunan ang mga mahahalagang dokumento ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang mapanatili ang integridad ng isinasagawang imbestigasyon.

Inatasan din ni Go ang mga awtoridad na arestuhin ang mga magtatangkang sumira at magtago sa mga ebidensiya.

Ginawa ni Go ang utos matapos makatanggap ng report tungkol sa umano’y pagtatago at paninira ng dokumento sa ilang PhilHealth regional offices.

“Nakakuha po tayo ng mga balita na may mga nagtatangkang si­rain o itago ang mga dokumento sa mga PhilHealth regional offices na posibleng maging ebidensya ng anomalya. Sinabihan ko po agad ang NBI na silipin ito at siguraduhin na walang magagalaw upang maprotektahan ang integridad ng imbestigasyon ng task force,” ani Go.

Idinagdag ni Go na nagbigay na ng update ang NBI na nagsasagawa na sila ng monito­ring sa mga PhilHealth regional offices para maingatan ang lahat ng dokumento na posibleng magamit na ebidensiya.

Tiniyak din umano ni NBI officer-in-charge Eric Distor kay Go na bibigyan ng proteksiyon ang mga posibleng maging testigo.

Sinabi ni Go na dapat arestuhin at sampahan ng kaso ang mahuhuling magtatago o maninira ng PhilHealth public records lalo ang mga may kinalaman sa isinasagawang imbestigasyon ng Task Force.

Nauna rito, kinumpirma ni Distor na inatasan na sila na magpadala ng mga ahente sa iba’t ibang opisina ng PhilHealth matapos matanggap ang report na may planong sirain ang mga documentary evidence.

Sa insiyal na ulat ng NBI, maraming records at dokumento na nai­salba matapos mabasa mula sa tumagas na tubig sa loob ng tanggapan ng PhilHealth sa Dagupan, Pangasinan.

Sinabi rin ng NBI na isang piraso ng tela ang nakabusal sa entrada ng lagusan ng tubig ulan o roof rain gutter na patuloy pa ring iniim­bestigahan kung sinadya ang pagsalpak upang magbara at tumagas ang tubig sa kisame.

Show comments