Face shields, mandatory na sa malls!
MANILA, Philippines — Hindi na papayagan ang sinuman na pumasok sa mga sarado o closed commercial establishments gaya ng malls at groceries ng walang suot na face shield.
Inihayag kahapon ni Presidential spokesperson Harry Roque na napagkasunduan ng National Task Force on COVID-19 na bukod sa pagsusuot ng face mask, kailangang mayroon ding suot na face shield ang mga papasok sa commercial establishments.
“Dapat isinusuot na rin ang face shields sa mga nakasaradong commercial establishments gaya ng mga malls,” ani Roque.
Layunin ng task force na doblehin ang proteksiyon ng mga mamamayan laban sa COVID-19.
“Ang NTF, national task force nagsabi na in all commercial areas kailangan nakasuot ng face shield, so whether GCQ and ECQ or MGCQ tayo kahit anong community quarantine kailangan naka-face shield in all commercial areas,” pahayag naman ni Trade Undersecretary Ruth Castelo.
“Lahat po pati hardware o kung anu-ano mang... Basta commercial place kahit na clinic, ospital pupunta ka papa-check-up ka,” dagdag niya.
Unang ipinag-utos ang pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong transportasyon at trabaho.
Naging mandatory naman ang pagsusuot ng face mask noong Abril 7.
- Latest