Hiling ng simbahan na itaas ang 10 tao kada misa hindi pinagbigyan
MANILA, Philippines — Bagama’t nauunawaan ang apela ng Simbahang Katolika, sinabi ni Inter-Agency Task Force the Management of Infectious Diseases (IATF) member at Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi umano nila mapagbibigyan ang hiling na itaas ang 10 tao na limitasyon na makadadalo sa bawat misa dahil sa isyu ng pangkaligtasan.
Sinabi ni Guevarra na nais kasi ng mga miyembro ng IATF at mga Metro Mayors na magpatupad ng mas mahigpit na panuntunan sa ilalim ng GCQ (General Community Quarantine) kaysa sa ipinatutupad bago ideklara ang nakalipas na ‘modified enhanced community quarantine (MECQ)’.
Sa ilalim ng dating GCQ, pinapayagan na maglaman ang mga simbahan ng hanggang 10% kapasidad ng mga simbahan kada misa habang sa mga lugar na nasa ‘modified general community quarantine (MGCQ)’ naman ay hanggang 50% ng kapasidad ng mga simbahan.
Ang mga simbahan naman sa labas ng Metro Manila na nasa GCQ ay ipinatutupad naman umano ang 10% kapasidad ng mga simbahan.
Nararamdaman umano ni Guevarra ang pagkadismaya ng Simbahan ngunit kailangang magpatuloy ang buhay nang ligtas sa virus.
Hindi naman masagot ni Guevarra ang pagkukumpara ni Manila Bishop Broderick Pabillo sa mga establisimiyentong pang-komersyo na pinayagan na maglaman ng hanggang 30% ng kanilang kapasidad ngayong GCQ.
- Latest