900 Pinoy health workers mag-a-abroad
MANILA, Philippines — Nasa 600 hanggang 900 Filipino nurses at medical workers ang nakatakdang lumabas ng bansa para magtrabaho sa mga pagamutan sa ibayong-dagat.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang naturang mga nurses ang unang batch na nakakumpleto na ng mga requirements para makapagtrabaho abroad.
Ang nakatakdang pag-alis ng mga nurses ay habang nasa kasagsagan naman ang Deparment of Health (DOH) ng pagre-recruit ng mga medical healthworkers para matugunan ang kakapusan ng mga pagamutan sa mga nurses at iba pang healthcare workers dahil sa dami ng nagkakasakit ng COVID-19 dito sa bansa.
Una nang ipinagbawal ng Philippine Overseas Employment Administration ang pagtatalaga ng mga Filipino health care workers sa ibang bansa nang unang pumutok ang COVID-19 sa Pilipinas.
Ngunit ikinatwiran ni Bello na may exemption sa deployment ban patungkol sa mga nurses at medical workers na nakumpleto na ang lahat ng pangangailangan at nakapirma na ng kanilang kontrata sa destinasyong bansa.
Nanawagan naman si Bello partikular sa mga pribadong ospital na magbigay ng mas mataas na sahod sa mga nurses at medical workers para hindi mapilitang mangibang-bansa at manatili sa Pilipinas.
Maraming pagamutan pa umano ang nagpapabayad pa sa mga nurses na kahit nakapasa na ng board exam ay kailangan pa ring mag-traning para makapagtrabaho, punto pa ni Bello.
- Latest