MANILA, Philippines — Makakatanggap ng tig-P1 milyon ang bawat pamilya ng 14 nawawalang mangingisda na sakay ng FV Liberty nang mabundol ng isang Hong Kong-based cargo vessel na MV Vienna Wood.
Sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) commandant Admiral George Ursabia na ito ang naging kasunduan sa pagitan ng pamilya ng mga mangingisda at ng may-ari ng MV Vienna Wood.
Bukod dito, makakatanggap naman ang Irma Fishing and Trading Inc., ang may-ari ng FV Liberty 5 ng P40 milyon bilang settlement sa nawasak nilang bangkang pangisda.
Sinabi ni Ursabia na katanggap-tanggap naman sa pamilya ng mga mangingisda ang inalok ng may-ari ng MV Vienna Wood.
Dahil dito, inaasahan na maiaatras na ang kasong kriminal na isinampa laban sa may-ari, opisyal at mga crew ng barko sa Regional Trial Court ng Mamburao, Occidental Mindoro.
Matatandaan na naganap ang banggaan noong Hunyo 27 kung saan tuluyang lumubog ang bangkang-pangisda. Natagpuan naman na hindi naging sapat ang aksyon ng crew ng MV Vienna Wood para maagap na nasaklolohan ang mga mangingisda habang hindi pa lumulubog ang bangka na kasalukuyang hindi pa natatagpuan ang mga labi.