MANILA, Philippines — Ipinatitigil ng isang mambabatas ang distribusyon ng isang produktong pampaganda matapos nitong maling tawaging bahagi ng People's Republic of China (PRC) ang kabisera ng Pilipinas sa label nito.
Kumakalat ngayon sa social media ang mga litrato ng "Ashley Shine Keratin Treatment Deep Repair," bagay na nagpainit sa ulo ng mga Pinoy gayong inaangkin ng Tsina ang ilang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.
Kung titignan nang maigi ang manufacturing address ng produkto, mababasang nakaimprenta ang sumusunod: "707 Sto. Cristo St. San Nicolas, Manila Province, P.R. China. MADE IN P.R.C."
Dahil diyan, sinulatan na ni PBA party-list Rep. Jericho Nograles si Department of Trade and Industry Secretary Ramon Lopez para parusahan ang Tsinong manufacturer.
"Any act to undermine our sovereignty must be taken seriously," ani Nograles sa isang liham na pinetsahang ika-19 ng Agosto.
"It is in this light that we respectfully ask your office to immediately ask your Office to immediately investigate this detestable and repulsive offense against our nation, and, if legally justified, prohibit the cointinued distribution of these products in our country."
“The label clearly shows Manila, as a province of China.”
— ONE News PH (@onenewsph) August 20, 2020
PBA party-list Rep. Jericho Nograles wants a Chinese beauty product blacklisted after its packaging listed its Binondo address as a province of the People’s Republic of China. (via @News5PH) pic.twitter.com/8oDdIKhurZ
Batay sa mga impormasyong nakalap ng tanggapan nina Nograles, taong 2018 pa minanupaktura ang produkto at patuloy pa ring inilalako sa buong Pilipinas.
"Succeeding batches of this product already omitted the declaration, but the offense remains the same," patuloy ng mambabatas.
Matatandaang nagbiro si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018 na probinsya ng Tsina ang Pilipinas, habang kaharap mismo si Chinese Ambassador Zhao Jianhua. Kilalang matalik na kaibigan ni Digong si Chinese President Xi Jingping kahit na nag-aagawan ng teritoryo sa South China Sea ang dalawang bansa.
May kaugnayan: Banners welcome visitors to 'Philippines, province of China'
Sigalot at agawan
Bagama't nai-award na ng Permanent Court of Arbitration sa Pilipinas ang sovereign rights, o karapatan sa mga likas-yaman, ng West Philippine Sea taong 2016, ayaw paawat ng Beijing sa pag-angkin sa bahagi na ito ng South China Sea.
Basahin: The verdict: Philippines wins arbitration case vs China
May kaugnayan: China rejects 'unjustifed' US policy on South China Sea
Hanggang sa ngayon, okupado at tinatayuan ng Tsina ng mga istruktura ang iba't ibang bahura at isla na inaangkin ng Pilipinas, gaya ng Panganiban, Kagitingan at Subi Reef — mga teritoryong inaangkin ng Pilipinas.
Taong 2019 at 2020 lang din nang mabangga at mapalubog ng mga Tsino ang ilang bangkang sinasakyan ng mga Pinoy mangingisda sa Recto Bank at Mindoro.