LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Umabot na sa halos P24 milyon ang inisyal na pagtaya sa naging pinsala ng 6.6 magnitude na lindol na tumama sa Masbate kamakalawa ng umaga.
Sa ulat ni dating Major Gen. Claudio Yucot, regional director ng Office of Civil Defense-Bicol, umaabot na sa P23,960,000 ang danyos ng lindol dahil sa pagkasira ng mga government infrastructure gaya ng tulay, kalsada, culvert, pavement, kasama na ang nagibang mga gusali ng Cataingan Public Market, Cataingan Police Station, Cataingan District Hospital, Cataingan Municipal College, 3rd DPWH Engineering Office, Dimasalang Port at iba pa.
Nasira rin ang 57 classrooms mula sa 19 public elementary at high schools sa mga bayan ng Batuan, Cataingan, Cawayan, Dimasalang, Palanas, Placer at Pio V. Curpoz.
Nabatid na may 16 na bahay ang nasira kung saan 14 ang totally damaged.
Dahil sa lakas ng pagyanig, nagkaroon ng sinkhole malapit sa baybayin ng Brgy. Kasabangan ng Pio V. Curpoz habang nagkaroon ng landslide sa Brgy. Bogtong. Lahat ito ay nakatakdang tingnan at i-assess ng Philippine Volcanology and Seismology at Mines and GeoSciences Bureau.
Maliban sa dalawang naitalang patay, umabot sa 48 katao ang mga nasugatan mula sa iba’t ibang bayan.