Kaso ng COVID-19 sa bansa humataw sa 173,774 ngayong GCQ ulit sa Metro Manila

Naglalakad ang healthcare worker na sa Rosario Maclang Bautista General Hospital habang naghahanda sa pagbibigay ng COVID-19 swab tests, ika-13 ng Hulyo, 2020
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines (Updated, 4:30 p.m.) — Muling dumami ang kumpirmadong tinamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas sa unang araw ng pagbabalik ng mas maluwag na lockdown protocols sa National Capital Region (NCR) at mga karatig nitong probinsya, Miyerkules.

Sa huling taya ng Department of Health (DOH), pumalo na sa 173,774 ang tinatamaan ng nasabing sakit. Mas marami 'yan nang 4,650 kumpara sa mga numero kahapon.

Nasa 3,848 diyan ay naitala sa nakaraang 14 araw mula ika-6 hanggang ika-19 ng Agosto: "There were eighty-nine (89) duplicates that were removed from the total case count. Of these, sixty-nine (69) were recovered and two (2) deaths have been removed," dagdag ng DOH sa isang pahayag.

"Moreover, there were twenty-seven (27) cases that were previously reported as recovered but after final validation, they were deaths (26) and active (1) cases. There's also one (1) case that was previously reported as death has been validated to be a recovery."

Karamihan sa mga nasabing bagong kaso ay naitala sa mga sumusunod na lugar:

  • NCR (3,092)
  • Cavite (249)
  • Laguna (194)
  • Rizal (189)
  • Bulacan (136)

Sa bilang na 'yan, sinasabing 57,498 pa rin ang aktibo hanggang sa ngayon. Nakuha ang mga 'yan matapos iawas ang mga gumaling o namatay na sa kinatatakutang sakit.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang briefing, ito na ang mga pinakasariwang datos lalo na't may kapasidad na sila mag-ulat gamit ang "real time" na mga numero. Hindi na rin daw sila maglalabas ng "late" at "fresh" cases magmula ngayon.

Nakapagtala naman ng 111 panibagong pagkamatay dulot ng COVID-19 ang Kagawaran ng Kalusugan. Dahil diyan, sumipa na sa 2,795 ang kabuuang bilang ng local casualties.

Karamihan sa mga namatay ay mula sa Metro Manila (52) habang pinakakaonti naman sa Davao Region at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na parehong nakakuha ng tig-iisang casualty.

Samantala, mahusay naman na ang lagay ng 716 pang pasyente ngayong araw. Sumatutal, inaakyat niyan ang total recoveries sa 113,481.

Kanina lang nang kumpirmahin ng DOH na pinag-aaralan na nila ang pag-aanalisa ng laway ng isang tao upang mapag-alaman kung sila'y may COVID-19 o wala.

Umabot na sa 21.75 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling tala ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 771,635 na ang yumao.

Show comments