MANILA, Philippines — Pwedeng-pwede raw sumirit sa 250,000 ang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa pagtatapos ng buwang ito ngayong magbabalik sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) ang Kamaynilaan at iba pang kalapit na probinsya, pagbabahagi ng dating adviser ng gobyerno ngayong Martes.
Basahin: Duterte puts Metro Manila, nearby provinces back on GCQ until August 31
"Lahat na ng metrics para tuloy-tuloy tumaas ang mga kaso ay nariyan na," sabi ni Tony Leachon, dating adviser ng National Task Force kontra COVID-19, sa panayam ng ANC sa Inggles.
"Ang taya ko ngayong GCQ, magiging 230,000, ay sorry, 250,000 kasi hindi tayo nakakikita — sa ngayon — ng paghupa ng mga kaso."
Sa ilalim kasi ng GCQ, hahayaan uli ang pagbubukas nang mas maraming uri ng negosyo, pagsamba sa mga bahay sambahan, pampublikong transportasyon atbp. aktibidad na nagsasanhi ng kumpulan ng tao sa limitadong saklaw para na rin mabuhay ang ekonomiya.
Pero dahil diyan, tila mas mapapabilis tuloy ang pagpapasahan ng virus na nagsasanhi ng nakamamatay na COVID-19.
Kahit pa nasa mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at ilang lungsod na malapit sa sentro ng kumersyo noong mga nakaraang linggo, kulang-kulang 4,000 kaso kada araw ang naidadagdag sa talaan ng gobyerno.
Kasalukuyan ding nasa 1.12 ang "reproductive number" ng bansa, o yaong bilang ng taong pwedeng mahawaan ng apektado ng sakit. Maliban pa 'yan sa 12% positivity rate ng Pilipinas — malayo sa 5% na inirerekomenda ng World Health Organization.
Kahapon lang maitala ng Department of Health ang case tally na 164,474 matapos madagdagan ng 3,314 bagong pasyente ng kinatatakutang sakit. Sa bilang na 'yan, 2,681 na ang patay.
Voluntary ECQ: Solusyon ba?
Dahil diyan, inaanyayahan ni Leachon ang publiko na umakto na para bagang nasa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) ang Pilipinas para na rin mapababa ang mga panibagong kaso.
Sa ilalim ng isang "self-imposed" ECQ, ipinagbabawal kasi ang mga sumusunod:
- pagpunta sa mga simbahan, gym at recreational facilities
- pagbabawal ng mga paguputan
- pagbabawal ng pagkain sa loob ng restaurants
- pagbabawl sa non-essential travels
- paggamit ng online transactions
- work from home arrangements (kung kakayanin)
- striktong physical distancing
- atbp. magpapanatili sa tao sa loob ng sariling bahay
Sa kabila niyan, una nang nagsalita ang ilang medical groups gaya ng Second Opinion at Coalition for People's Right to Health na hindi ECQ ang tunay na makakasolusyon sa pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa.
Aniya, imbis na militarisadong quarantine ay kinakailangang mga manggagawang pangkalusugan ang manguna sa kampanya habang ipinananawagan ang sa libreng mass testing, face masks, health care at maging "mass hiring" ng mga health personel sa mga regular na posisyon.
'Magbitiw bilang IATF head'
Samantala, hinihimok naman ngayon ni Leachon si Health Secretary Francisco Duque III na tuluyang magbitiw bilang head ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.
Aniya, pinagsasabay-sabay daw kasing gampanan ni Duque ang tatlong mahihirap na posisyon sa Department of Health, PhilHealth at IATF.
"'Yan ang dahilan kung bakit sa tingin ko'y mabagal ang pagkilos na nagbunsod ng mga problema," wika pa niya.
Kanina lang din nang mabira ni Sen. Franklin Drilon ang aniya'y palpak na pamamalakad ni Duque kung kaya't lumobo ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
"Ang pangit na health management natin ay nagresulta sa pinakamahabang [lockdown] sa mundo. Sa kasamaang palad, ang ating [Kalihim sa Kalusugan] ay bigong makontrol ang pandemya at ang kurba nito," saaad ng senador.
"Literal na nauwi sa kamatayan ng ating mga mamamayan ang kawalan ng urgency ni [Secretary Duque], at hindi katanggap-tanggap 'yan Mr. President," sabi niya. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5