Mga grupo nanggalaiti nang 'ikatuwa' ng Malacañang ang 45.5% joblessness rate
MANILA, Philippines — Init ng ulo ang napala ng ilang militanteng grupo sa administrasyon matapos tila ipagpasalamat pa ang "joblessness" rate na halos kalahati ng kabuuang na-survey Social Weather Stations (SWS) noong Hulyo 2020 sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Ilan lamang sa mga pumalag diyan ang labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) at Alliance of Concerned Teachers (ACT), na tila diring-diri sa ibinulalas kanina ni presidential spokesperson Harry Roque.
Basahin: 'Joblessness' sa Pilipinas pinakamataas sa 45.5% noong Hulyo — SWS
May kinalaman: 'Recession': Ano 'yan at bakit dapat mabahala ngayong quarantine?
"Walang dapat ikatuwa at pawang kabaliwan ang ikagalak pa ang record-high unemployment rate na 45.5% sa bansa," sambit ni Assistant Minority Leader France Castro, na kinatawan din ng ACT.
"Kailangang tandaan ng administrasyong ito na ang kapabayaan at ang kanilang kainutilan ang nagdulot ng kahirapan at kawalan ng trabaho sa milyun-milyong mamamayang Pilipino."
Sa nasabing pag-aaral ng SWS na inilabas kagabi, sinabing katumbas ng 27.3 milyong Pilipino ang ilang umalis ng trabaho, naghahanap ng trabaho sa unang pagkakataon o 'di kaya'y natanggal dahil sa mga economic forces na labas sa kontrol ng empleyado.
Sinasabing kalahati ng 42% na walang trabaho noong isinagawa ang pag-aaral noong Hulyo at natanggalan ng kabuhayan sanhi ng COVID-19 krisis likha ng mga lockdown.
Sa kabila niyan, positibo ang pananaw ni Roque sa mga nagtataasang numero: "Ako po'y nagagalak na hindi tayo 100% nawalan ng trabaho kasi sa tagal po na naka-lockdown tayo," wika ng tagapagsalita, Lunes.
"I'm still surprised at our resilience at 45% pa lang po ang nawalan ng trabaho."
Aniya, pwedeng mas malala pa ang nangyari lalo na't nagkaroo ng mga complete lockdown ang mga negosyo't hindi pinalalabas ng bahay ang mga tao.
Bagama't medyo magkaiba ang barometro at mga numero, tumutugma ang resulta ng panibagong SWS survey sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Abril 2020. Umabot din kasi sa record-high 17.7% ang unemployment noon dulot na rin ng epekto ng mahihigpit na quararantine measures.
May kinalaman: 'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19
Marami sa mga Pilipino ngayon sa Luzon, Visayas at Mindanao ay umaasa na lang sa ayuda ngayong maraming nawalan ng hanap-buhay. Ang ilan, gaya ng sari-saring mga tsuper na bawal mamasada, ay napwepwersa nang mamalimos sa kalye.
Hanggang sa ngayon ay wala pang update kung nakukumpleto na ng gobyerno ang pamamahagi ng second trance ng social amelioration program (SAP), o yaong ayuda na ibibibigay sa mga apektado ng lockdown.
Legasiya ni Duterte?
Ayon tuloy kay Jerome Adonis, secretary general ng KMU, 'wag nang idamay aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ang karaniwang mamamayan kung ayaw niyang tugunan ang pangangailangan nila sa gitna ng pandemya.
"Ito ba ang Duterte Legacy? Kung ito na yon, wag kami. Alam na namin ‘yan. Sawa na kami," wika ni Adonis.
"Gusto ko lang paalalahanan ang pangulo na may papalakas na panawagan para sa pagpapatalsik sa kanya sa pwesto. Kung sa tingin niya, makakatulong ang pagkibit-balikat niya sa kawalang-trabaho ng halos kalahati ng labor force, malaking pagkakamali ang ginagawa niya."
Dagdag pa niya, mismong ang Bayanihan to Recover as One (BARO) bill, na naglalayong gumastos ng P162 bilyon para sa "stimulus plan", ay pagmumulan pa ng sari-saring utang kaysa kapakinabangan sa ekonomiya.
Ayon kina Adonis, kinakailangan na mamigay ng P10,000 agarang ayuda ng gobyerno sa mga nawalan ng trabaho ngayong may krisis kung sila'y sinsero lalo na't kailangang-kailangan daw ito.
"Maliit lang ang iginigiit namin. Hindi po ito panlilimos. Ito ay pagbawi sa yamang kami rin naman ang nagpapasok sa ekonomya. Dapat itong tutukan ni Duterte at kagyat na ibigay sa lahat ng manggagawa," patuloy ng labor leader. — may mga ulat mula sa News5
Related video:
- Latest