Kaso ng COVID-19 sa Pilipinas muling tumalon, umabot sa 164,474

Litrato ng ilang healthworker at pasyenteng sinusuri sa sakit na COVID-19, Hulyo 2020
The STAR/Edd Gumban

MANILA, Philippines (Updated 5:23 p.m.) — Wala pa ring humpay ang pag-akyat ng mga panibagong coronavirus disease (COVID-19) infections sa bansa isang araw bago matapos ang mas mahigpit na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at apat na karatig na probinsya.

Sa anunsyo ng Department of Health (DOH), Lunes, umabot na sa 164,474 ang mga nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas matapos itong madagdagan pa ng 3,314 panibagong kaso.

Natagpuan ang pinagsamang "fresh" at "late" cases sa mga sumusunod na lugar:

  • National Capital Regin (1,918)
  • Laguna (274)
  • Cavite (219)
  • Rizal (118)
  • Bulacan (105)

Ibinatay ang mga numerong 'yan mula sa isinumiteng test results ng 91 sa 105 lisensyadong laboratoryo na sumusuri para sa COVID-19.

"There were ninety-three (93) duplicates that were removed from the total case count," paglilinaw pa ng DOH sa isang pahayag.

"Of these, sixty-four (64) recovered cases and two (2) deaths have been removed."

LOOK: DOH COVID-19 CASE BULLETIN #156 As of 4PM today, August 17, 2020, the Department of Health reports the total...

Posted by Department of Health (Philippines) on Monday, August 17, 2020

Gayunpaman, tanging 49,034 lamang mula riyan ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa. 'Yan ay matapos iawas sa kabuang bilang ang mga namatay at gumaling na mula sa nasabing sakit.

Samantala, malas namang bawian ng buhay ang 18 pang panibagong kaso. Dahil diyan, umabot na sila sa 2,681 lahat-lahat sa Pilipinas.

Karamihan sa 18 panibagong namatay ay nagmula sa rehiyon ng CALABARZON sa bilang na lima. Pinakakaonti naman ang nanggaling mula sa Northern Mindanao at angsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na parehong nakapagtala ng tig-isang bagong yumao sa COVID-19.

Higit na mas marami naman na ang gumagaling riyan, matapos umabot sa 112,759 ang total local recoveries sa COVID-19. Mas marami 'yan nang 237 kumpara sa naibalita ng DOH kahapon.

Kanina lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na napagkaisahan nang karamihan ng Metro Manila mayors na bumalik ang kanilang rehiyon sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ), ngunit dapat daw na mas mahigpit ito kaysa sa dating ibinaba roon.

"I can confirm na ang rekomendasyon ng mga mayor ay GCQ, pero yung GCQ po noong buwan pa ng Hunyo na mas mahigpit kaysa sa eventual GCQ na pinapatupad na," sabi ni Roque sa isang virtual briefing.

"Unanimous naman po ang recommendation ng IATF (Inter-Agency Task Force) at ng mga Metro Manila mayors kay Presidente."

Kasalukuyang nasa MECQ ang Metro Manila matapos hilingin ng ilang healthworkers ang pagbabalik ng Kalakhang Maynila sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) bilang "timeout" sa matinding pagsipa ng COVID-19 cases sa bansa.

Umabot na sa 21.26 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa buong mundo, ayon sa pinakabagong ulat ng World Health Organization (WHO). Sa bilang na 'yan, 761,018 na ang namamatay.

Show comments