Malacañang ok sa pagtestigo ni Mary Jane Veloso vs recruiters
MANILA, Philippines — Welcome sa Malacañang ang naging desisyon ng Supreme Court na pagtibayin ang unang desisyon na gawing testigo ang nakakulong na OFW na si Mary Jane Veloso laban sa kanyang mga illegal recruiters.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ikinagagalak ng Palasyo ang desisyon dahil makikita na naging biktima si Veloso na nakakulong sa Indonesia dahil sa drug trade.
Hindi pinagbigyan ng SC ang motion for reconsidetation (MR) na inihain laban sa unang desisyon na pa-testiguhin si Veloso laban sa kanyang mga illegal recruiters.
Magbibigay ng kanyang testimonya si Veloso sa pamamagitan ng written statement laban kina Cristina Sergio at Julius Lacanilao.
Nahaharap sa parusang bitay sa pamamagitan ng firing squad si Veloso sa Indonesia matapos mahulihan ng 2.6 kilograms ng heroin noong 2010 na nakita sa kanyang bagahe sa Yogyakarta airport.
Matatandaan na iginiit ni Veloso na niloko siya ng kanyang mga recruiters na nagpadala umano ng ilegal na droga sa nasabing bansa.
Dapat ay noon pang 2015 na-firing squad si Veloso pero nabigyan ng pagkakataon na ipagpaliban ang hatol dahil sa apela ni dating pangulong Benigno Aquino III na isinulong na gawing testigo ang OFW.
- Latest