MANILA, Philippines — Hindi pa rin pinalalaya ang inarestong paralegal officer ng grupong Anakpawis apat na araw matapos "iligal" na damputin ng Quezon City Police ang bangkay ni Randy Echanis, isang lider-aktibista at peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na pinatay noong Lunes.
Inaresto si Pao Colabres sa reklamong "obstruction of justice" noong ika-11 ng Agosto sa pagbabantay ng mga labi ni Echanis, chairperson ng Anakpawis, na sinasabing wala pang release order kahit tinukoy na ng misis ng biktima na si Erlinda.
Ipinagpipilitan ng Philippine National Police (PNP) na katawan ng isang "Manuel Santiago" ang bangkay noong hulihin si Colabres. Kalaunan, inamin nilang si Echanis ito noong Miyerkules at ibinalik sa pamilya. Sa kabila niyan, nasa kalaboso pa rin ang paralegal.
Basahin: QCPD acknowledges body that widow identified days ago is Randy Echanis
May kinalaman: Anakpawis chairperson 'pinagsasaksak hanggang mamatay' sa Novaliches
"Pao Colabres, our paralegal... is still under police custody in Camp Karingal," sabi ng Anakpawis sa isang pahayag ngayong Biyernes.
"We are calling for his immediate release!"
LOOK: Pao Colabres, our paralegal who was arrested for “obstruction of justice” while securing the remains of Ka Randy Echanis is still under police custody in Camp Karingal.
— Anakpawis Party-list (@AnakpawisPL) August 14, 2020
We are calling for his immediate release! pic.twitter.com/VvTeklzKlB
Hindi pa rin tumutugon sa panayam ng PSN si Police Lt. Johanna Sazon, hepe ng public information office ng Quezon City Police District (QCPD), kung bakit patuloy na naka-detain sa Camp Karingal si Colabres.
Una nang sinabi ng National Union of People's Lawyers (NUPL) at Sentra na walang ginawang krimen at "misrepresentation" na sina Colabres, lalo na't binabantayan ;ang nila ang tamang katawan na unang ini-release sa kanila ng mga otoridad.
Pinagpapaliwanag din ng Department of Justice (DOJ) kung bakit kinolekta ng La Loma PNP ang katawan ni Echanis kahit hindi man lang kumuha ng permiso sa asawa ng napatay.
Basahin: Guevarra: Police should explain transfer of Echanis' body without widow's consent
Pangamba tuloy ni Fernando Hicap, national chairperson ng PAMALAKAYA at third nominee noon ng Anakpawis party-list, baka raw mahawaan ng coronavirus disease (COVID-19) si Colabres sa kulungan na noo'y siksikan at 30 ang laman.
"Colabres' health safety has been put into risk when the police detained him into a congested prison cell," sambit ni Hicap noong Miyerkules.
"Charging our paralegal head with obstruction of justice is beyond police's foolish act. They only exposed themselves as the law enforcers who have actually no regard to the rule of law." — James Relativo