MANILA, Philippines — Maaaring konsultahin ng Department of Education (DepEd) ngayong araw ang kanilang mga regional directors hinggil sa panukalang ipagpaliban muna ang pagsisimula ng distance learning sa loob ng dalawang linggo.
'Yan ay kahit na una nang sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na "wala nang makapipigil pa sa pagsisimula nito sa ika-24 ng Agosto," bagay na pinapayagan ng batas.
Related Stories
Kapapasa lang ng Republic Act 11480 noong Hulyo, na nagbibigay kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na iusog ang pagsisimula ng klase basta't may "state of calamity" o "emergency."
"It would depend on the assessment of the whole team. Secretary Liling [Briones] is very consultative and collaborative in coming up with decisions," sabi ni Education Undersecretary for Curriculum and Instructions Diosdado San Antonio sa panayam ng ANC, Biyernes.
Aniya, isa raw ityo sa mga "main item" na kanilang pag-uusapan ngayong hapon.
Ilang senador na ang nananawagang gawing Oktubre na lang ang pagsusumula ng blended learning, lalo na't hindi pa raw handa ang sistema ng edukasyon sa ngayon.
Ipinagbabawal pa rin ang face-to-face learning dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19). Pero kasama sa mga gagamitin ng blended learning ang paggamit ng internet, radyo, telebisyon at modules sa pagtuturo at pag-aaral.
Gayunpaman, sinabi ni Antonio na "lagpas kalahati" pa lang daw ang modules na naiimprenta, na gagamitin sana ng ilang hindi makabibili ng panibagong gadgets para sa online classes.
Sa ngayon, gagamitin daw ang mga portfolios, reflection papers, videos ng mga estudyante at pakikipag-usap sa mga guro para masukat kung naiintindihan ba talaga ang mga pinag-aaralan.
"This is also the perfect time for us to teach honesty to our own young children. While we say that the parents should extend support, the parents should not be the one to prepare the tasks or the assignment," sabi pa ni Antonio.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang makiusap sina Sen. Juan Miguel Zubiri at Sen. Christopher Go kung maaaring wala munang ibagsak na mga estudyante sa unang anim na buwan habang nag-aadjust pa lang sa distance learning. — James Relativo