Si mayor ang una?: Duterte baka Mayo 2021 turukan ng Russian COVID-19 vaccine
MANILA, Philippines — Sa susunod na taon pa posibleng maturukan ng bakuna mula sa mga Ruso si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa coronavirus disease (COVID-19), matapos banggitin na magkakaroon ng clinical trials nito sa Pilipinas ngayong 2020.
'Yan ang isiniwalat ni presidential spokesperson Harry Roque, Huwebes, basta't mapatunayang ligtas ito pagsapit ng buwan ng Marso 2021.
"Inaasahan natin na pupwedeng magpabakuna ang ating presidente dito po sa Russian na bakuna sa Mayo 1, 2021," sabi ni Roque sa isang virtual briefing.
"Sa Abril, inaasahang marerehistro po ang bakuna ng Russia. At ibig sabihin po, sa Mayo 1, 2021 pa lamang na pupwedeng magpasaksak ng bakuna mula sa Russia ang ating presidente."
Roque says earliest time that President Duterte will get vaccinated is on May 1, 202 @PhilippineStar @PhilstarNews
— Alexis B. Romero (@alexisbromero) August 13, 2020
Lunes nang sabihin ni Digong handa siyang mauna sa pagpapaturok ng "Sputnik V," ang gamot na nilikha ng Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology, para mapatunayang ligtas ito para sa mga tao.
Gayunpaman, mukhang hindi talaga mauuna ang ex-Davao mayor sa pagpapabakuna sa Pilipinas lalo na't Oktubre 2020 magsisimula ang clinical trials ng Russian vaccine sa Pilipinas, bagay na nasa Phase 3 na.
Basahin: Palace: Philippine clinical trials of Russian COVID-19 vaccine to start in October
May kaugnayan: Russia has developed 'first' coronavirus vaccine — Putin
Tumutukoy ang Phase 3 clinical trials sa pagsubok ng bisa ng gamot sa 300 hanggang 3,000 volunteers na tinamaan ng sakit na nais gamutin, ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Tumatagal ang ito nang mula isa hanggang apat na taon. Inaasahang 25 hanggang 30% lang sa mga isinasabak dito ang makararating ng Phase 4.
Una nang nagbabala ang ilang grupo, gaya ng TrialSite na mag-ingat ang Pilipinas sa pagsubok ng naturang bakuna. "Inaprubahan" na raw kasi ito ni Putin kahit na hindi pa nga nagsisimula ang Phase 3 ng study.
Basahin: US trials watchdog to Philippines: Be ‘cautious’ in trying out ‘Sputnik V’ vaccine
Ayon pa sa ilang observers, ni hindi man lang daw inilabas ng Rusya ang resulta ng Phase 1 at Phase 2 ng clinical trials, kung kaya't kahina-hinala raw ito.
Gayunpaman, tiniyak naman ng Department of Health na gagawin nila ang lahat upang mapawi ang agam-agam sa pamamagitanb ng mabusising pag-aaral ng nasabing gamot.
"Pag-aaralan natin 'yang dosier nila, makikita natin 'yung mga allegations kung hindi ba dumaan sa Phase 1... Phase 2 ['yung gamot], ano ['yung] findings during these different phases of the trial," sabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kahapon.
"Hihingiin naman natin 'yung complete dosier... Kapag ang isang technology, or katulad niyan, bakuna, dumarating dito sa atin at iiintroduce for a clinical trial, pag-aaralan 'yan ng mga eksperto natin. As I've said, we have the vaccine expert panel, we also have the [FDA] to do that." — James Relativo at may mga ulat mula kay The STAR/Alexis Romero
- Latest