'Mali-mali, nakakapagod': Dating solon ipinaba-ban ang COVID-19 rapid tests

Makikitang kinukunan ng health worker na ito ng dugo ang isang pasyente para sa rapid antibody testing para malaman kung may COVID-19 siya o wala
The STAR/Boy Santos

MANILA, Philippines — Muling nadagdagan ang laksa-laksang bilang ng mga doktor at medical societies na nais tuluyang magbawal sa paggamit ng rapid testing ng coronavirus disease (COVID-19) dahil sa mali-maling resulta nito — sa pagkakataong ito, mula sa isang dating mambabatas.

Ayon kay dating Pampanga Rep. Anna York Bondoc, isang doktora, nakakasama pa kaysa makatulong sa pagsugpo ng COVID-19 ang mga rapid anti-body tests, lalo na't sandamukal na ang karanasan nila sa mga "false positives" at "false negatives."

"Kami po, halimbawa, gitna ng gabi may tatawag, 'May positive!'... Ni-rapid test ng ganitong kumpanya. So takbo po 'yung asawa ko, si mayor, takbo po 'yung MHO, takbo po 'yung barangay captain, takbo po 'yung tanod... Then after five days, negative [sa swab test]," ani Bondoc sa TeleRadyo, Huwebes.

"As an LGU po, we are very exhausted from chasing these wrong results, imbis na maka-focus tayo sa tama... nafo-focus tayo doon sa [false positives]. The government is spending."

Hindi tulad ng RT-PCR tests, na naglalabas ng pinaka-accurate na resulta kung may COVID-19 ang pasyente, "antibodies" ng immunity ang hinahanap nito at hindi ang mismong SARS-CoV-2 virus na nagdudulot ng sakit.

Dahil diyan, minsa'y lumalabas na "positibo" sa COVID-19 ang mga negatibo naman talaga o 'di kaya'ay "negatibo" ang isang positibong pasyente

Basahin: There are two kinds of COVID-19 tests used in the Philippines. How are they different? 

Ang masaklap pa rito, maaaring kumakalat pa ang COVID-19 kung bibigyan ng maling negative result sa ang isang tao. Nakakampante na raw kasi halimbawa ang mga nagpaparapid test sa opisina at basta na lang nagtatanggal ng mask, kung kaya't nagkakahawaan pa.

Paulit-ulit na lang daw itong nangyayari at nagreresulta sa pagkaperwisyo ng mga tinetest at local government units na puspusang nagsisikap para masugpo ang pandemya.

"'Yung iba naman ho, nalagay sa isolation room sa ospital, then they spent P100,000 'yun pala negative. 'Yung iba naman ho, nasira naman 'yung reputasyon nila sa barangay," sambit pa ni Bondoc.

"Kung gusto niyo pong sagutin 'yung na 'May COVID po ba 'yung taong kaharap ko ngayong araw na ito? Nakakahawa po ba 'yung taong ito?'  Ang rapid testing... hindi po siya accurate para po sa tanong na 'yon."

Malaking kapinsalaan din ito sa mga makakukuha ng false positive lalo na't mawawalan sila ng kita sa araw na dapat ay nagtratrabaho sila, ika-quarantine ng 14 araw pati ang kanilang pamilya, para lang sa wala.

Banned sa ibang bansa

Dahil sa mababang accuracy ng COVID-19 rapid testing, ilang bansa at federal states na ang nagbabawal sa paggamit ng antibody serology testing sa pagsusuri kung tinamaan ng SARS-CoV-2 ang isang tao.

"In two states in Australia, it is not allowed po for the diagnosis of COVID. Sa Dubai din naman po, hindi rin siya allowed... Self-testing [using rapid tests] is banned in Belgium... Sa India po, not allowed na rin po na gamitin sa diagnosis. It's banned by the government[s]," sabi pa ng doktora.

Ilan sa mga nagsalita na laban sa rapid testing ang Philippine College of Physicians at Philippine Society of Microbiology and Infectious Diseases, lalo na't lubhang ineffective daw ito kung gagamitin sa unang 14 araw ng pagdanas ng isang karamdaman.

May kinalaman: Medical groups warn of 'false negatives' from rapid test kits

Sinabi na rin noon ng Department of Health (DOH) na hindi nila mairerekomenda ang paggamit nito para sabihin with finality na positibo o negatibo ang taong nakararamdam ng sintomas ng COVID-19.

Ilan pa sa mga prominenteng nagsalita laban sa rapid testing ang hepe ng Philippine Heneral Hospital na si Dr. Gap Legaspi at top epidemiologist ng Pilipinas na si Dr. Edsel Salvana.

DOH ayaw itong i-ban

Sa kabila ng mga limitasyon ng rapid testing, sinabi ni health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi kailangang i-ban nang tuluyan ang rapid testing lalo na't may mga pagkakataong magagamit daw ito.

Basahin: DOH: No need to ban rapid test kits

"There is still use for it. Because on the 21st day of the illness of a patient, (rapid antibody testings) RATs become accurate or sensitive to detect if the patient had already recovered," wika ni Vergeire noong Lunes sa isang press briefing.

Ang problema rin daw, nade-detect pa rin ng RT-PCR testing ang COVID-19 virus kahit na nakumpleto na ng isang pasyente ang kanyang 14-day quarantine.

Posible pa ring magpositibo sa RT-PCR testing hanggang isang buwan dahil sa sobrang sensitibo nito. Dahil diyan, kahit negatibo na o hindi na nakahahawa ng virus ang pasyente, made-detect pa rin ito ng PCR tests.

Show comments