MANILA, Philippines — Hinamon ni Deputy Speaker Luis Raymund (LRay) Villafuerte ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. na lumagda sa waiver upang maberipika ng Anti-Money Launde-ring Council (AMLAC) ang mga bank records ng mga ito kaugnay ng imbestigasyon sa malawakang korapsyon sa ahensya.
“If they are innocent and not hiding anything, dapat lumagda sila sa waiver para ma-check ng AMLAC ang kanilang mga bank deposits,” ani Villafuerte sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts at Committee on Good Government and Public Accountability.
Ang hamon ni Villafuerte ay tinanggap naman nina PhilHealth Senior Vice President Nerissa Santiago, PhilHealth Senior VP and Chief Information Officer Jovita Aragona, SVP for health finance policy sector Israel Pargas, at SVP for Fund Management Sector Renato Limsiaco na pisikal na dumalo sa pagdinig.
Ang iba pang mga Board members, Regional Officers at Executive Committee members ay pumayag rin na pabuksan ang kanilang bank records.
Kaugnay nito, inirekomenda naman ng mga mambabatas na kasuhan ng plunder ang mga opisyal ng PhilHealth dahil sa pagkawala ng P153 bilyong pondo ng ahensya na napunta umano sa korapsyon ng mga tiwali nitong opisyal.
Pinuna rin ng mga mambabatas ang bigla-ang pagtaas ng bilang ng claims sa iba’t ibang sakit at medical procedures na binabayaran ng PhilHealth.
Gayundin ang mabilis na pagbayad ng PhilHealth sa claims ng ilang pribadong ospital, habang natatagalan naman sa mga government hospitals na higit na nangangailangan ng tulong.