MANILA, Philippines (Updated 4:29 p.m.) — Muling napatungan ng mga panibagong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) ang bilang ng mga dati nang nadali nito sa pagpapatuloy ng ika-22 linggo ng quarantine sa Pilipinas.
'Yan ay matapos madagdagan pa nang 4,444 ang talaan ng Department of Health (DOH), Miyerkules, bagay na nag-aakyat sa total local cases sa 143,749.
Nasa 3,049 ang maituturing na "fresh cases" mula sa datos na 'yan, habang 1,395 ang "late cases."
Tumutukoy ang una sa resultang ibinahagi sa pasyente sa nakalipas na tatlong araw habang ang ikalawa naman ay apat na araw pataas.
"There were 231 duplicates that were removed from the total case count," paliwanag ng DOH sa isang pahayag.
"Of these, nine (9) recovered cases and one (1) death have been removed."
Bukod pa riyan, dalawa sa mga kasong unang naiulat ay natuklasang negatibo sa testing at tinanggal na rin sa tally matapos ang validation.
Pinakamarami sa mga bagong naiulat na kaso ay nagmula sa mga sumusunod na lugar sa bansa:
- National Capital Region (2,618)
- Laguna (233)
- Cavite (227)
- Rizal (174)
- Bulacan (129)
Nananatili namang aktibo sa mga nasabing infected cases ang 72,348 katao sa Pilipinas. Naabot ng DOH ang nasabing bilang matapos iawas ang mga namatay at gumaling na mula sa SARS-CoV-2 — ang virus na nagdudulot ng COVID-19.
Nasawi naman habang nakikipaglaban sa naturang sakit ang karagdagang 93 katao sa bansa. Sumatutal, 2,404 na silang lahat simula nang makapasok ang karamdaman mula Wuhan, China.
Magaling naman na sa ngayon ang 68,997 mula sa nakamamatay na sakit. Mas marami 'yan nang 636 kumpara sa nai-report ng DOH kahapon.
"Moreover, we updated the health status of the 62 cases that were previously reported as recovered but after final validation, they were deaths (60) and active (2) cases," sabi pa nila kung kaya't anlaki ng COVID-19 deaths sa report ngayong Miyerkules.
Bakuna: Kailan kaya?
Kanina lang nang sabihin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na makikipagkita ngayong araw ang Department of Science and Technology (DOST) sa mga manufacturers ng Russian-approved COVID-19 vaccines, at inaalam kung paano makalalahok ang bansa sa Phase 3 ng clinical trials nito.
'Yan ay kahit pinangangambahan pa ito ng ilang eksperto ngayong hindi pa naman daw naisasapubliko ang mga resulta ng Phase 1 at Phase 2 ng mga pag-aaral sa nasabing gamot. Gagabay din naman daw ang Food and Drug Administration (FDA) sa proseso nito upang matiyak na ligtas itong ibigay sa tao.
"Pag-aaralan natin 'yang dosier nila, makikita natin 'yung mga allegations kung hindi ba dumaan sa Phase 1... Phase 2 ['yung gamot], ano ['yung] findings during these different phases of the trial," ani Vergeire kanina.
"Kaya nga tayo ay nakikipag-usap na. At uumpisahan ngayong araw na ito ang pakikipag-usap para makita natin anuman ang meron ang bakunang ito para mapag-aralan na at makapagbigay din tayo ng rekomendasyon sa ating presidente."
Dahil pag-aaralan pa ito, hindi pa makapagbigay ng "go-signal" si health Secretary Francisco Duque III sa agad-agad na paggamit ng nasabing bakuna.
Basahin: DOH hindi pa inirerekomenda ang 'aprubadong' Russian vaccine vs COVID-19
Una nang nag-volunteer si Pangulong Rodrigo Duterte na "pag-eksaperimentuhan" gamit ang nasabing bakuna, matiyak lang na okey ito at hindi delikado sa iba pang tuturukan.
Sa huling datos ng World Health Organization, 19.93 million na ang nahahawaan ng kinatatakutang virus. 732,499 sa kanila ang patay na.