MANILA, Philippines — Inihayag ni Senator Bong Go na maaaring pumasok ang independent bodies para tumulong sa paglilinis sa katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil ang hangarin naman ng gobyerno ay matuldukan ang korapsyon.
“Pwede naman ma-invite natin kahit ang mga independent bodies na tumulong sa kampanyang ito. After all, iisa ang hangarin natin sa iisang gobyerno natin---ang tuluyang matuldukan ang korapsyon,” ang sabi ni Go.
Idiniin ni Go na determinado si President Rodrigo Duterte na mawakasan ang sistematikong katiwalian sa pamahalaan, partikular na sa PhilHealth.
Hinimok ni Go, chair ng Senate committee on health, ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na makipagtulungan at suportahan ang gagawing imbestigasyon ng task force.
Ipinaliwanag niya na nilikha ito para talupan ang umano’y mafia at iregularidad sa PhilHealth at isunod ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na may nakasistema nang korapsyon.
Pangungunahan ang task force ng DOJ at naniniwala ang senador na sa pagpasok ng independent bodies ay hindi makokompromiso ang trabaho nito.