MANILA, Philippines (Unang lathala Aug. 7 at 9:04 p.m.) — Noong isang linggo nang ibalita ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pagbaba ng gross domestic product (GDP) ng Pilipinas nang 16.5% sa ika-2 kwarto ng 2020 — ang pinakamatindi simula 1981 — bagay na nagtutulak sa bansa sa isang "technical recession."
Ang matindi pa, nangyayari 'yan kasabay ng pananalasa ng coronavirus disease (COVID-19) at kaliwa't kanang lockdown para mapigilan ang pagdami ng nahahawaan ng nakamamatay na sakit.
The Gross Domestic Product (GDP) growth rate declined by 16.5 percent in the second quarter of 2020, the lowest recorded quarterly growth starting 1981 series. #PHGDP
— PSAgovPH (@PSAgovph) August 6, 2020
Basahin: Philippines plunges into worst economic slump under democracy
Pero ano ba talaga ang "recession" at gaano ito kasama sa pang-araw-araw na buhay ng karaniwang tao? May kahulugan ba 'yan sa mga hindi ekonomista?
"Ang pinaka-esensya ng 'recession' ay matinding pagbagsak sa economic activity sa bansa," sabi ni Sonny Africa, executive director ng economic think tank na IBON Foundation.
"[K]ung ito [GDP] ay lumiit o may negative growth o may contraction ng dalawang magkasunod na quarter... doon sasabihin na 'technically' nasa recession na ang ekonomiya.
Tumutukoy ang GDP sa kabuuang halaga ng produkto at serbisyo sa loob ng bansa (gaya ng Pilipinas) sa takdang panahon. Maliban sa GDP, marami pang ibang panukat ng economic activity — bilang ng may trabaho, kita ng pamilya, at iba pang mas detalyado tulad ng kalagayan ng pagmamanupaktura, agrikultura, atbp.
Sa kabila niyan, itinuturing na "rule-of-thumb" nang maraming ekonomistang gamitin ang GDP bilang panukat ng lumalago — o bumabagsak — na ekonomiya.
Huling nakaranas ng recession ang Pilipinas mula ikalawa hanggang ikatlong kwarto ng 1991, matapos lumpuhin ng Gulf war ang suplay ng krudo na nagpataas ng global oil prices.
So... anong paki natin diyan?
Karaniwang signos ang mga technical recession ng mahahabang panahon ng pagliit ng ekonomiya.
Bukod diyan, sinyales din ito na maraming impresa ang nalulugi at nagsasara. At kapag nangyayari 'yan sa maraming kumpanya, dumarami ang nawawalan ng trabaho o pinagkakakitaan.
At 'yan nga ang nangyari nitong mga nagdaang buwan. Abril 2020 nang maitala ang record-high 17.7% na unemployment rate, o tantos ng kawalan kawalang trabaho sa Pilipinas. Napilitan kasing magsara ang maraming negosyo bunsod ng COVID-19 lockdowns, dahilan para mawalan ng trabaho ang 7.3 milyong Pilipino.
May kinalaman: 'Record-high': 17.7% kawalang trabaho naitala nitong Abril kasabay ng COVID-19
Umabot sa 2,068 kumpanya ang sinasabing nagsara sa bansa noong Hunyo, bagay na nangangahulugan daw ng 69,000 unemployed Filipino workers, sabi ng Department of Labor and Employment.
Nasa 680 bilyon ang nawala sa ekonomiya ng Pilipinas bunsod ng COVID-19 nitong ikalawang kwarto ng 2020. Sa pagtatapos ng Hunyo, P8.6 trilyon na ang halaga ng financial losses.
Kahit nagkakaroon din ng recession sa ibang bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic, tila iba ang direksyon na tinatahak ng Pilipinas sa mga karatig nitong bansa. Dahan-dahan nang nagbubukas uli ang ekonomiya ng Thailand at Vietnam, habang nagpataw uli ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at apat pang probinsya, bagay na dagok uli sa ekonomiya at kabuhayan.
Sa kasaysayan, kahit dumaan sa maraming economic disruptions at matinding kahirapan ang Pilipinas (bunsod ng kudeta noong panahon ni dating Pangulong Corazon Aquino, 2008 economic crisis, atbp.) ay hindi nagnenegatibo ang economic growth — lumalaki pa rin pero bumagal lang.
Dahil dito, masasabing labas sa karaniwan ang pagkalugmok ng ekonomiya ngayon. Tatagos ito sa bilang ng mga may trabaho, at kapasidad ng tao na bumili ng pang-araw-araw na kailangan. Hindi na lamang espisipikong sektor ang pinag-uusapan pagdating sa pagkawala ng trabaho sa isang technical recession, buong ekonomiya na at damay ang lahat ng sektor.
Limitason ng estatistika
Sa kabila nito, sinabi ni Africa — na nagtapos ng ilang degree sa London School of Economics and Political Science (LSE) — na hindi na kailangan ng karaniwang Pinoy ang deklarasyon ng recession para malamang may problema sila sa kabuhayan.
Aniya, ramdam na kasi ito lalo na noong Marso at Abril ng milyun-milyong Pilipino, kahit na hindi naman "dalubhasa." Materyal ang pagbagsak ng gutom at bulagsak na kabuhayan.
"Hindi kailangan ng estatistika para dito at, sa totoo lang, madalas nga ay ginagamit ang estatistika para pagtakpan ang tindi ng problema at bigyan katwiran ang kapos na solusyon," dagdag niya, lalo na't underestimated pa nga raw ang unemployment at underemployment.
"Ganumpaman, pinapakita ng lumabas na datos kahapon sa pagbagsak ng GDP na ang Pilipinas ay nasa gitna ng pinakamatinding krisis sa kasaysayan nito."
Dagdag pa ni Africa, pagpapakita na ng matinding kapabayaan at kawalan ng malasakit sa hirap ng Pilipino, kung wala pa ring karampatang solusyon ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ngayon.
Ika-27 ng Hulyo, matatandaang walang nabanggit si Duterte hinggil sa COVID-19 recovery "roadmap" sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA). Inaabangan ito nang marami bilang tugon sa pinsalang idinulot ng mga lockdown sa ekonomiya.
Isang linggo pa lang din ang nakalilipas nang iulat ng Bureau of Treasury na umabot na sa P9.05 trilyon ang utang ng gobyerno ng Pilipinas, matapos madagdagan nang P1.32 trilyon simula noong Disyembre 2019.