Bangkay ng Anakpawis chair 'inagaw ng PNP' sa pamilya; paralegal na bantay huli
MANILA, Philippines — Kinundena ni Erlinda Echanis, misis ng pinaslang na si Anakpawis chairperson at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultant Randall Echanis, ang pagkuha diumano ng La Loma police sa bangkay ng asawa sa isang punerarya sa Quezon City, Lunes.
Kahapon lang nang mapatay ang lider-aktibista — na kilala rin sa palayaw na "Ka Randy" — matapos magtamo ng mga saksak at tama ng baril sa katawan. Nakakitaan din daw ng palatandaan ng torture ang katawan.
Basahin: Anakpawis chairperson 'pinagsasaksak hanggang mamatay' sa Novaliches
"I condemn the persistent harassment of PNP La Loma-QCPD and their brazen act of snatching the remains of my husband Randall 'Randy' Echanis from us," sambit ni Erlinda sa isang pahayag.
Matapos niyang kilalanin ang katawan ni Randy, na ginagamitan ng pangalang "Manuel Santiago" ng Philippine National Police, sinabi ni Erlinda na dinala nila ang katawan ng asawa sa St. Peter Chapels, Quezon Avenue. Gayunpaman, kinuha ng pulisiya ang labi para ibalik sa Pink Petal Funeral Homes sa La Loma, Quezon City.
"[M]ore than 10 policemen from La Loma PNP forcibly took the cadaver," dagdag ni Erlinda Echanis.
Hindi pa naman gaano makapagbigay masyado ng komento tungkol sa nangyari si Police Lt. Johanna Sazon, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Public Informatioon Office, sa dahilang kulang-kulang pa raw ang ulat na nakararating sa kanila.
Nang tanungin ng DZRH kung bakit kinuha ng pulisiya ang Anakpawis chairperson, ito ang sinabi ni Sazon: "Regarding po diyan sir, wala pa po akong hawak na report regarding po diyan," sabi niya.
Wala pa naman daw silang person of interest sa limang suspek na sinasabing pumaslang kay Echanis noong Lunes nang madaling araw, na pumasok sa inuupahang bahay ng biktima sa Novaliches, QC.
"Ayon po sa isang testigo sir, meron lang siyang narinig na ingay sa rented room ni Manuel Santiago po," ani Sazon.
Sinabi kahapon ng QCPD na kinilala nila ang bangkay ni Echanis bilang Manuel Santiago sa pamamagitan ng identification card (I.D.) na nakita sa katawan, kasama ng kapitbahay ng biktima na patay rin at pinangalanang Louie Tagapia.
Nang tanungin kung hindi pa sapat na kinilala ni Erlinda ang katawan ni Randy, sinabi ni Sazon sa hiwalay na panayam ng ANC na "under investigation" pa ito kung kaya't kailangan pa raw nila ng pruweba.
Nanawagan si Sazon sa mga kamag-anak ni Randy na magbigay ng posibleng pagkikilanlan gaya ng DNA o fingerprint para "mapatunayang si Echanis talaga ito."
Sa kabila niyan, nagbigay naman ang Anakpawis ng litrato ni Echanis at ng bangkay, na tila iisa lang naman ang itsura.
Paralegal dinampot
Samantala, isang miyembro naman ng paralegal team na nagbabantay sa labi ni Echanis ang sinasabing kinuha ng QC Police sa kalagitnaan ng mga pangyayari.
Kinilala ng ABS-CBN News ang Anakpawis paralegal bilang si Pao Colabres at na-videohan pa ang pagsakay sa kanya sa police mobile.
"Dinala na sa Camp Caringal ang paralegal na inaresto ng mga pulis para kasuhan ng 'obstruction of justice,'" sabi ng Anakpawis. Paratang ng PNP, wala pa raw kasing release order ang labi.
Uli, hindi makapagbigay ng komento si Sazon sa nangyaring paghuli ng PNP kay Colabres.
"Kailangan ko pong i-confirm 'yan sir sa aming criminal investigation unit... As of now, wala po akong hawak na report diyan tungkol diyan," sabi ng QCPD-PIO chief.
Sa panayam kay Luz Perez, abogado ng pamilya Echanis, sinabing iligal ang pag-agaw sa labi: "Wala silang court order. This is clear harassment from the police."
"Dahil diumano [ito] sa isang requirement by the [Criminal Investigation and Detection Unit] of a release order which should be issued by the police station or the funeral parlor, which is not a requirement at all because the body was already properly identified by the spouse and the officemates of the deceased." — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag
- Latest