MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsuot ng maskara kontra coronavirus disease (COVID-19) kahit nasa loob lang ng sariling pamamahay — 'yan ay kung hindi makakasusunod sa physical distancing.
'Yan ang sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año, Lunes, sa panayam ng GMA News.
"Isipin natin ngayon ang transmission ngayon ay buong pamilya na, pami-pamilya... rich or poor talagang buong pamilya... ang pinaka-importante diyan kung talagang di nila maiwasan, magsuot sila ng mask. Advisable din 'yung face shield diyan," sabi ni Año.
"Dapat talaga magsuot sila ng mask, 'yung mahihirap at kung pupuwede, lahat talaga magstay at home at kung may lalabas na isa, ito 'yung dapat iwasan, bigyan ng distansya, lalo na 'yung pumunta ng palengke o kaya galing sa trabaho, 'yan ang dapat magsuot ng mask at i-try niya na magkaroon ng distansya."
Inihayag 'yan ni Año matapos sabihin ni Presidential Adviser on the Peace Process Carlito Galvez Jr. na "critical areas" ang mga bahay at lugar ng trabaho sa COVID-19 transmission sa dahilang mahirap ang social distancing doon.
Maliban sa face masks, inengganyo rin ng DILG ang publiko na magsuot ng face shields sa mga lugar na pinupuntahan ng maraming tao — gaya ng mga palengke, ospital at quarantine facilities.
May kaugnayan: Face shields 'sa ibabaw' ng face masks inoobliga ng DOTr sa commuters ng public transpo
Dati'y inirereserba lang ng gobyerno ang panuntunan sa pagsusuot ng face mask para sa mga lumalabas ng bahay.
Una nang inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ng Philippine National Police ang sinumang mamamatang walang suot na face mask kapag nasa labas ng bahay.
Basahin: Duterte urges police to 'have no qualms' in arresting those not wearing face masks
Umabot na sa 129,913 ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa huling ulat ng Department of Health, Linggo. Sa bilang na 'yan, 2,270 na ang patay. — James Relativo