MANILA, Philippines — Sa pamamagitan ng medical certificate, ipinaalam ni Philippine Health Insurance Corp. Chief Ricardo Morales sa Senado na hindi siya makakadalo sa imbestigasyon sa Martes, Agosto 11 kaugnay sa sinasabing korupsiyon sa ahensiya dahil mayroon siyang lymphoma at sumasailalim sa cancer treatment sa Cardinal Santos Medical Center.
“This is to certify that General Ricardo C. Morales, 67 year old male, is a diagnosed case of Diffuse Large B cell Lymphoma, and is currently undergoing chemotheraphy at Cardinal Medical Center,” nakasaad sa medical certificate ni Morales na may petsang Agosto 7, 2020 at pirmado ng attending medical oncologist ni Morales na si Dra. Maria Luisa Tiambeng.
Nakasaad din na delikado sa impeksiyon si Morales na kailangang sumailalim sa anim na cycles ng treatment kaya pinayuhan ng kanyang doktor na mag-leave of absence muna sa trabaho.
Bukod kay Morales, nagpadala rin ng medical certificate at sulat kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III si Arnel De Jesus, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng PhilHealth na kabilang sa pinahaharap sa pagdinig sa Lunes.
Sa medical certificate ni De Jesus mula sa Asian Hospital and Medical Center at pirmado ni Dr. Joel Dela Rosa, anim ang nakasaad na sakit nito kabilang ang hypertensive heart disease, acute coronary syndrome, dyslipidemia, diabetes millitus type 2 at dilated cardiomyopathy.
Agosto 5, 2020 ipinasok ng ospital si De Jesus at kasalukuyan pa rin itong naka-confine.
Tiniyak ni De Jesus na magiging “available” siya kapag naging mabuti na ang kanyang kalusugan.