MANILA, Philippines — Pinayuhan ng Distribution Utility na More Electric and Power Corp. ang Panay Electric Company na respetuhin at sundin ang itinakda ng batas sa nakatakdang pagpapalabas ng desisyon ng Supreme Court (SC) sa legalidad ng inihaing expropriation case.
Kasabay nito ang pagkastigo ni More Power President and CEO Roel Castro sa pahayag ng PECO na may bias ang mga RTC Judges at SC sa More Power kaya pumapabor ang desisyon nito sa kanila.
Giit ni Castro, ang mga desisyon ng korte ay nakaayon sa facts habang objective at independent ang mga hukom at mahistrado sa pagresolba sa mga kasong hawak nito.
Una nang sinabi ni PECO Legal Counsel Atty. Estrela Elamparo na ang kanilang “main fight” ay talagang sa SC at naniniwala silang idedeklarang unconstitutional ang ginawang pagtakeover ng More Power sa assets ng PECO habang si Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano ay umapela kay Pangulong Rodrigo Duterte na pumagitna na sa usapin ng dalawang kumpanya dahil na rin sa palagay nitong bias ang korte sa bagong distribution utility.
Ipinaliwanag ni SC Spokesman Brian Hosaka na walang basehan ang akusasyon ng pagiging bias ng kataas-taasang hukuman.
Aniya, ang SC ay binubuo ng 15 mahistrado at ang desisyon nito ay nakabase sa majority vote at laging nakaangkla sa facts, applicable laws at current jurisprudence.
Sa desisyon ni Iloilo Regional Trial Court Branch 23 Emerald Requina-Contreras sinabi nito na nang mag-expired ang prangkisa ng PECO noong Enero 19, 2019 ay wala na itong legal ground para kuwestiyunin ang batas.
Kasunod nito ay iniutos na ng korte ang writ of posession para ilipat ang distribution system asset ng PECO sa More Power hindi bilang pagbibigay pabor sa bagong franchisee kundi para matiyak na hindi mapuputol ang pagbibigay serbisyo sa mga consumer.