MANILA, Philippines — Umatras na bilang testigo ng Senado sa umano’y anomalya sa ahensiya ang dating assistant ni PhilHealth Chief Ricardo Morales.
Sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na tetestigo dapat si Estrobal Laborte sa pagdinig noong isang araw sa subalit bigla itong nawala sa webinar at nag-logout.
Matapos nito ay na-katanggap si Lacson ng text message na hindi na siya tetestigo dahil may nararamdamang sumusunod sa kanya.
Bukod kay Laborte, testigo rin sa pagdinig sina PhilHealth board member Alejandro Cabading at dating anti-fraud legal officer Thorrsson Montes Keith.
Ayon sa senador, posibleng habang naka-log in si Laborte sa Senate hea-ring ay may nagpadala dito ng text message at inawat sa pagtestigo.
Nanghihinayang naman si Lacson dahil sa tingin niya ay marami siyang nalalamang katiwa-lian sa PhilHealth.
Si Laborte ay dating Marine Colonel at nagbitiw bilang head executive assistant ni Morales noong Hulyo na epektibo nitong katapusan ng Agosto dahil kukuha umano ng PHd.
Maaari naman umanong pwersahin si Laborte na tumestigo sa Senado sa pamamagitan ng pagpapadala ng subpoena subalit sa ngayon ay hindi pa ito opsyon at sa halip ay kanya muna itong kukumbinsihin.