Face shields 'sa ibabaw' ng face masks inoobliga ng DOTr sa commuters ng public transpo

Makikitang inilalako ng saleslady na ito ang mga face shield sa isang mall na pinayagang magbukas uli sa gitna ng COVID-19 pandemic
AFP/Ted Aljibe, File

MANILA, Philippines — Hindi na lang face masks ang kinakailangang suotin ng mga sumasakay sa pampublikong transportasyon ngayong talamak ang coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas — dapat meron na ring face shields.

'Yan ang pahayag ng Department of Transportation (DOTr) sa Memorandum Circular 2020-014, bagay na inilabas noong ika-4 ng Agosto, 2020.

Bawal man ang tren, bus jeep at TNVS ngayong may modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at apat na probinsya, pwede naman ang public transportation sa mga general community quarantine (GCQ) at modified GCQ (MGCQ) areas sa Pilipinas.

Basahin: 'Quarantine pass' hihingiin uli sa pagbabalik ng MECQ sa NCR, 4 pang lugar bukas

"All passengers using any mode of public transportation will be required to wear face shields, aside from face masks, effective 15 August 2020, as mandated by the Department of Transportation (DOTr)," sabi ng DOTr sa isang pahayag, Miyerkules.

"[A]ll officials and heads of its and heads of its various transportation sectors to enjoin, within their respective jurisdictions, the mandatory wearing of face shields for all passengers in areas where public transportation is allowed."

DOTr IMPLEMENTS MANDATORY USE OF FACE SHIELDS FOR ALL PASSENGERS USING PUBLIC TRANSPORTATION All passengers using any...

Posted by Department of Transportation - Philippines on Tuesday, August 4, 2020

Bagama't bawal ang halos lahat ng pampublikong sasakyan sa mga MECQ areas, pinapayagan naman ang mga public shuttles para sa mga frontliners at ilang empleyado ng piling industriya.

Depende rin sa lokal na pamahalaan at Department of Interior and Local Government, pwede ring payagan ang pagpasada ng mga tricycle sa MECQ areas.

May kaugnayan: 'Kahit MECQ': Maynila papayagan ang mga tricycle, pedicab, e-trike pumasada

Epektibo nga ba ito?

Inilunsad ang naturang inisyatiba kasabay ng pagsusumikap ng gobyernong masawata ang lalong pagkalat ng COVID-19 sa mga pampublikong sasakyan, lalo na't sinabi diumano ng ilang otoridad sa kalusugan na nakatutulong ito laban sa respiratory droplets — isa sa pamamaraan ng hawaan.

"Sa mga kababayan ’ho natin, huwag sana nating isipin na panibagong gastusin o dagdag abala ang pag-require natin sa paggamit ng face shield," paliwanag ni Transport Secretary Arthur Tugade kanina.

"Ipatutupad po natin ang mandatong ito sa lahat ng pampublikong sasakyan tulad ng sa mga tren, bus, jeepney, taxi, passengers vessels at maging sa eroplano."

Una nang sinabi ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na maaaring gamiting alternatiba sa medical masks ang face shields, o gamitin nang sabay kasama ang "non-medical, approved fabric mask." Magagamit daw ito bilang proteksyon din sa mata, n a pwede ring pasukan ng virus.

Sa kabila niyan, ipinaalala ng CDC na hindi ito "consistent" sa standard practice at hindi mairerekomenda nang husto.

"Face shields are not meant to function as primary respiratory protection and should be used concurrently with a medical mask (for droplet precautions) or a respirator (for airborne precautions) if aerosol-generating procedure is performed."

Dagdag pa ni Transport Undersecretary for Administrative Affairs Artemio Tuazon Jr., dapat matapakpan nang husto ng mga face shield ang ilog at bibig para gumana nang maayos.

Sa kabila rin ng limitasyon ng shields, ipinaalala rin ni Tugade na mas maigi nang sobra ang proteksyon kaysa kulang.

"Let us remember that no amount of protection is too much when it comes to health and safety, especially that we are battling an invisible enemy. What we are addressing is not a transport issue but rather a health issue. Kaya nga ‘ho  hinihingi ko ang kooperasyon ng bawat isa," sabi pa ni Tugade.

Show comments