MANILA, Philippines — Nakadagdag pa sa pagkalat ng COVID-19 ang paggamit ng rapid anti-body tests sa screening ng mga nagbabalik na manggagawa.
Sinabi ni Dr. Antonio Dans, ng Philippine Society of General Internal Medicine, na inirerekomenda ng mga doktor na huwag nang gamitin ang mga rapid anti-body testing kits dahil sa nagbibigay lamang ito ng maling ‘sense of security’ sa mga isinailalim dito at nagnegatibo.
Ito ay dahil sa hindi natutukoy ng test ang aktuwal na virus habang ang nakikita lamang ay ang anti-bodies. Kung bago lamang nahawa ang isang tao, hindi pa siya agad makaka-debelop ng anti-bodies kaya magnenegatibo siya sa rapid test.
Nakadagdag pa umano ang pagdami ng kaso ng COVID-19 dahil sa ginamit ang rapid test ng mga kumpanya bilang screening sa kanilang mga empleyado.
Sa halip na rapid test, mas dapat umanong gamitin ang RT-PCR tests na mismong ang virus ang tinutukoy at mas dapat ding magbantay sa sintomas sa bawat indibidwal.