P15 bilyon nakulimbat ng ‘mafia’ sa PhilHealth
MANILA, Philippines — Tinatayang P15 bilyon ang umano’y nanakaw sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth gamit ang iba’t ibang uri ng pamamaraan ng panloloko ng tinaguriang “mafia” sa ahensiya.
Ito ang sinabi ng isa sa testigo sa pagdinig ng Senate Committee on the whole na si dating anti-fraud legal officer Thorsson Montes Keith na nagbitiw sa PhilHealth dahil sa umano’y malawakang korapsyon.
Tinawag din ni Keith na “crime of the year” ang nangyayari sa tanggapan ng PhilHealth sa mga maanomalyang transaksyon dito.
Inakusahan din ni Keith si PhilHealth President & CEO Ricardo Morales na nag-utos sa kanya na makipag-usap kay Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Grego Belgica na hilutin ang kaso sa overpriced test kits.
Inindorso din umano ni Morales ang overpriced na IT budget items na nagkakahalaga ng P750 milyon.
Ibinunyag naman ni Sen. Panfilo Lacson ang mga opisyal na sinasabing sangkot sa alegasyon ng korapsyon sa ahensiya na sina Atty. Rodolfo del Rosario, Senior Vice President of the Legal Sector; Dr. Israel Pargas, SVP for Health Finance Policy Sector; Corporate Secretary Jonathan Mangaoang; at Dennis Mas, SVP for Management Services Sector.
- Latest