Pag-angkas sa motor pwede sa MECQ areas 'basta essential worker,' kahit hindi mag-jowa
MANILA, Philippines — Pahihintulutan ng pamahalaan ang pag-angkas sa motorsiklo ng mga "essential workers" ngayong may modified enhanced community quarantine (MECQ) sa iba't ibang lugar sa bansa habang walang pampublikong transportasyon dahil sa coronavirus disease (COVID-19).
Ang balita ay kinumpirma ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, commander ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield, sa panayam ng "Unang Hirit," Martes.
"Papayagan na po under MECQ ‘yung pong back-riding dahil nga suspended ang public transport… kung ang backride natin o pasahero o tinatawag na angkas is an essential worker or [authorized persons outside of residence]… and then ‘yung travel niya is work related," paliwanag ni Eleazar.
"Kung 'yung driver pala is hindi APOR or essential worker paano na lang kung halimbawa pauwi ka sa paghahatid or pasundo ka pa lang… ayun naman po pag nakita naman ng ating mga checkpoint na may suot kang barrier… consideration na po yun na ikaw ay naghatid o susundo doon sa essential worker."
Basahin: LIST: Modes of transportation allowed, prohibited in areas under MECQ
Gayunpaman, inilinaw ni Eleazar na bawal pa rin ang mga habal-habal at motorcycle taxis, ngayong nagpapatupad ng mas mahigpit na MECQ.
Dapat din daw ay patuloy na gamitin ang mga aprubadong physical barrier ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, kahit takaw-disgrasya ito sabi ng mga inhinyero.
May kaugnayan: Takaw-disgrasya: Engineers pinuna ang aprubadong COVID-19 barriers sa motor
Wala rin naman daw problema kung walang relasyon ang maghahatid sa inihahatid na empleyado o manggagawa. 'Yan ay kahit mag-asawa at mag-live in lang ang dating pinapayagan ng gobyerno na mag-backride.
"Regardless of relationship ito noong driver at saka pati nung backride. Hindi kailangan sila ay mag-asawa. Outside the area under MECQ yung ngayon na existing na GCQ at MGCQ yung dati pa rin na guideline na inilabas ng NTF ang ating pong susundin. Ibig sabihin, kailangan married couple kayo or partners living together at meron kayong barrier," sabi pa ni Eleazar.
Bago magtapos ang Hulyo, tinatayang umabot sa 10,000 katao na ang nahuling lumalabag sa backriding rules, ayon sa Department of the Interior and Local Government.
Bawal noon
Abril nang sabihin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi exempted ang mga frontliners sa backriding-ban. Gayunpaman, nakapataw pa noon ang enhanced community quarantine (ECQ), ang pinakamahigpit sa lahat ng lockdown kontra-COVID-19.
Matatandaang naiulat noon ang paninita ng isang MMDA traffic enforcer sa rider na kinilalang si Michael Villanueva matapos mahuling inihahatid ang kamag-anak na isang nurse sa isang Quezon City hospital. Nasa Commonwealth Ave., Quezon City sila noon.
Pinayagan pa rin si Villanueva na ihatid ang hipag ngunit inisyuhan ng ordinance violation receipt si Villanueva at pinagmulta ng P5,000 dahil sa "paglabag sa social distancing measures" kontra COVID-19.
Tatagal mula ika-4 hanggang ika-18 ng Agosto ang MECQ sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.
- Latest