MANILA, Philippines — Pahihintulutan ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang pagpasada ng ilang sasakyan, matapos suspindihin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karamihan ng public transportation sa mga lugar na saklaw ng modified enhanced community quarantine (MECQ) na epektibo simula Martes.
Ngayong MECQ na kasi sa Metro Manila, bawal ang tren, bus jeep, taxi at mga TNVS. Sa kabila niyan, may kapangyarihan ang local governments at Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa mga trike.
Related Stories
Basahin: LIST: Modes of transportation allowed, prohibited in areas under MECQ
"Pinapayagan po natin sa Maynila na mag-operate ang mga tricycle, pedical at e-trike sa ilalim ng MECQ para matulungan natin ang mga empleyado, lalo na ang mga medical frontliner," sabi ni Francisco "isko Moreno" Domagoso sa isang talumpati, Martes.
"[Gagawin ito para] matulungan natin ang ekonomoya, maproteksyunan ang kabuhayan at matugunan ang kanilang pangangailangan."
ALERT: Manila City Mayor @IskoMoreno announces that tricycles, pedicabs and e-trikes are ALLOWED TO OPERATE during the two-week implementation of Modified Enhanced Community Quarantine in the nation’s capital. —JNL#AlertoManileno #COVID19PH pic.twitter.com/SPeKGQgLM4
— Manila Public Information Office (@ManilaPIO) August 4, 2020
Matatandaang inanunsyo ni Digong ang mas mahigpit na MECQ sa National Capital Region, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan simula ika-4 ng Agosto matapos ang mga makasaysayang pagtaas ng coronavirus disease (COVID-19) infections sa Pilipinas.
May kaugnayan: 'Quarantine pass' hihingiin uli sa pagbabalik ng MECQ sa NCR, 4 pang lugar bukas
Humingi kamakailan ng "timeout" at mas malinaw na paglalatag ng panuntunan laban sa COVID-19 ang mga medical practitioners, dahilan para hilingin nila ang pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila. Gayunpaman, MECQ lang ang ibinigay ng presidente mula ika-4 hanggang ika-18 ng Agosto.
Pero kung nagkataong ECQ ang ideklara, bawal sumakay ng tricycle ang mga karaniwang mamamayan. Tanging mga authoprized persons outside of residence (APOR) lang ang papayagan.
"[Maproproteksyunan ngayon] ang kabuhayan ng mahihirap nating kababayang tulad ko rin na dating sidecar boy... mabawasan ang suliranin ng pamahalaan... matugunan ang kanilang pangangailangan," dagdag pa ni Domagoso.
"Aking pinapayagan ang lahat ng pedicab, e-trike, tricycle na maghanap-buhay sa panahon ng MECQ."
Kasalukuyang nasa 106,330 na ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas noong Lunes, matapos madagdagang uli nang higit 3,000 bagong infections. Sa bilang na 'yan, 38,405 ang aktibong kaso at 2,104 ang patay na. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5