AFP: Social media dapat 'iregula' gamit ang anti-terrorism law

Detalye mula sa social media card na inilabas ng Police Regional Office-13 na binura nila matapos mabatikos.
Facebook

MANILA, Philippines — Hindi pa man nag-iinit sa kanyang upuan bilang bagong chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), inirerekomenda agad ni Lt. Gen. Gilbert Gapay ang paglilimita sa paggamit ng social networking sites, sa dahilang maaari raw itong magamit sa kapakinabangan ng terorismo.

Ang deklarasyon ay kanyang isinapubliko, ika-3 ng Agosto, sa mismong araw ng kanyang pagkakatalaga sa posisyon sa virtual briefing ng DWDD, ang AM radio station ng AFP.

Virtual Press Briefing of the Newly Installed AFP Chief of Staff LTGEN GILBERT I GAPAY PA with DND SEC DELFIN N LORENZANA | 03 August 2020

Virtual Press Briefing of the Newly Installed AFP Chief of Staff LTGEN GILBERT I GAPAY PA with DND SEC DELFIN N LORENZANA | 03 August 2020 DWDD 1134 kHz AM on your Radio Dial Please Subscribe to our Youtube Channel : DWDD AFP RADIO https://www.youtube.com/channel/UCSXOQH97fvpKdsAOc84sjcw

Posted by Katropa DWDD-Crs Virtual RTV on Sunday, August 2, 2020

Aniya, nais itong maisama ng AFP sa inilulutong implementing rules and regulations (IRR) ng kontrobersyal na Anti-Terrorism Act of 2020, bagay na binabantan dahil pagtapak diumano nito sa karapatang pantao — bagay na magagamit hindi lang daw sa terorista ngunit pati mga kritiko ng pamahalaan.

Basahin: Ano ang 'Anti-Terror Bill' at bakit may mga tutol dito?

"[W]e'll also suggest some provision on how to curb [the] radicalization of the youth. So we will be providing some inputs on countering violent extremism. Maybe even regulating social media," ani Gapay.

"[T]his is the platform now being used by the terrorists to radicalize, to recruit and even plan terrorist acts. That's why we need to have specific provisions on this, the IRR, pertaining the use of social media."

Sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, tinutukoy na banta ngayon nina Gapay ang New People's Army at Abu Sayyaf bilang mga "pangunahing" banta sa seguridad ng Pilipinas.

Sa parehong briefing, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na binabalangkas pa ng Department of Justice (DOJ) ang IRR ng anti-terrorism law. Aniya, inaantay na lang nila na mabigyan sila ng Anti-Terrorism Council ng draft nito upang makapagbigay ng kanilang mga mungkahi.

"It's still a work in progress. We have 90 days since the signing of the law, to come up with the IRR. Meron pa tayong panahon para pag-aralang mabuti ang gagawin nating implementing rules and regulation," ani Lorenzana.

Dagdag pa ni Gapay, sasamantalahin nila ang pagkakataon upang maisingit ang nasabing rekomendasyon para mapaganda ang "napakahusay" nang batas.

"We will capitalize on this very, very good anti-terror law. It is comprehensive, it is pro-active, it is geared to prevent occurence of terroristic acts. Dapat pinaplano pa lang nila, ma-stop na agad natin," sambit ng AFP chief.

'Hindi ito ang pinlano naming mangyari'

Hindi naman nagustuhan ng isa sa mga orihinal na may akda ng batas ang direksyon na tinatahak nito, lalo na't wala raw sa plano ng mga mambabatas na kontrolin ang kalayaan sa internet.

"As one of the authors who shepherded this bill from the beginning until the last minute, I can say it was not our intention that social media be regulated by the state through the anti-terror law," pagpalag ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon.

Bagama't isa sa mga principal authors nito, matatandaang binawi ni Biazon ang kanyang authorship sa batas noong panukala pa lang ito dahil na rin sa usaping prinsipyo.

Ilan sa mga kontrobersyal na probisyon ng anti-terrorism bill ay ang pagbibigay ng kapangyarihan sa ATC na magdeklara kung sinu-sino ang mga indibidwal at terorista, kahit na hindi naman sila korte.

Bukod sa "malabong" depenisyon ng terorismo gaya ng "pagde-destabilize" at "intimidation" laban sa gobyerno, may probisyon din ito hinggil sa warrantless arrests, at hanggang 24 araw na pagkakakulong kahit na wala pang tiyak na kaso ang inirereklamo ng terorismo.

Tinanggal din sa batas ang multang P500,000 na sinisingil sa mga otoridad sa kada araw ng pagkakakulong ng terror suspect na mapatutunayang inosente sa paratang.

Show comments