MANILA, Philippines — Hindi lamang mga convicted drug traffickers at mga nakagawa ng heinous crimes kundi maging kurakot na hukom at mga pulis ang dapat na isalang sa death penalty.
Ito ang opinyon ni 2nd District, Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers, chairman ng House Committee on Drugs at isa sa mga pangunahing may-akda ng mga panukalang batas na nagsusulong na buhaying muli ang capital punishment.
“They are part of the corrupt system that they helped build. Dapat siguro isama sa death penalty yung mga corrupt judges and policemen na sinasabi nila para maging perfect ang justice system,” ayon kay Barbers.
Aminado si Barbers na nakakalungkot na maraming tumututol sa pagbuhay muli ng death penalty.
‘Unfortunately, while they talk about the human rights of the offenders, they remarkably skip talking about and defending the human rights of the victims,” sentimyento pa ng mambabatas.
Ayon kay Barbers, maging ang mga kasamahan niyang mambabatas ay tinatakot pa ang mga nagsusulong ng pagbuhay sa death penalty.
Sa kaniyang ika-5 SONA ay umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mambabatas na isulong muli ang pagbuhay sa death penalty laban sa mga convicted drug traffickers sa bansa.