Utang ng gobyerno lumobo sa P9.05 trilyon noong Hunyo habang COVID-19 sinusugpo
MANILA, Philippines — Lalong nagpatong-patong ang utang ng pambansang pamahalaan sa pagtatapos ng Hunyo, dahilan para tumuntong na ito sa kabuuang P9.05 trilyon, ulat ng Bureau of the Treasury, Miyerkules.
Mas malaki nang P163.3 bilyon (1.8%) ang utang na 'yan kumpara sa naitala sa pagtatapos ng Mayo 2020 dahil na rin sa "net issuance" at paghiram ng halaga mula sa loob at labas ng bansa.
"Mula sa antas noong pagtatapos ng Disyembre 2019, umakyat nang [P1.32 trilyon] o 17.1% ang debt portfolio ng pambansang pamahalaan," wika ng Treasury sa isang pahayag sa Inggles.
Kung titignan nang maigi, sinasabing nasa 32% nito (P2.9 trilyon) ay nanggaling sa ibang bansa. Nangangahulugan 'yan ng P7.32 bilyong panibagong utang mula sa naitala noong Mayo.
"Sa panahong 'yan, umabot sa P11.09 bilyon... ang project loan availment, habang umabot naman sa P216.30 bilyon ang program loans," sabi pa ng Treasury.
Kasama sa utang panlabas ang P53.51 bilyong concessional loans mula sa multilateral creditors gaya ng World Bank at Asian Development Bank. Ang naturang pondo ay kasalukuyang ginagamit na panggastos laban sa epekto ng COVID-19.
Matatandaang pinautang pa lang ng Japan nang P23.5 bilyon ang Pilipinas, sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong ika-1 ng Hulyo, bagay na kanilang pinagkasunduan ng Department of Finance para na rin makatulong laban sa pandemya.
Basahin: Japan nagpautang nang higit P23.5-B sa 'Pinas para sa COVID-19 response
Itinuturing namang panloob na utang ang mas malaking 68% ng kabuuang borrowings (P6.19 trilyon), na mas malaki nang 2.6% kumpara sa naunang buwan.
"Para sa taong ito, umaabot na sa [P1.68 trilyon] ang hinihiram ng pambansang gobyerno sa pagtatapos ng Hunyo," saad pa ng bureau.
"Sa ngayon, nadagdagan nang [P1.06 trilyon] ang domestic debt, o 20.7% magmula nang magsimula ang taon."
Nagtabi naman na mahigit-kumulang P460 bilyon ang gobyerno para bayaran ang mga maturing debts nito.
Nangyayari ang lahat ng ito habang namromroblema ang Pilipinas sa pamamahagi ng pinansyal na ayuda sa mga lubhang tinamaan ng lockdown. Marami sa kanila ay nawalan ng hanap buhay.
Matatandaang umabot sa record-high na 17.7% ang unemployment rate noong Abril habang nananalasa ang nakamamatay na virus sa bansa, bagay na inaasahan pang madagdagan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagtatapos ng 2020.
- Latest