MANILA, Philippines — Sa gitna nang kinakaharap na problema ng bansa tungkol sa COVID-19, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas mahalaga ang buhay kaysa sa ibang bagay.
Sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na mas binigyan niya ng prayoridad ang buhay kaysa sa ibang sinasabi ng mga eksperto.
“When the pandemic struck, I decided to prioritize life over other considerations according to experts,” ani Duterte.
Kabilang sa agad na pinasalamatan ng Pangulo ang mga frontliners na lumalaban sa COVID-19.
Binanggit din ng Pangulo na nakikidalamhati ang gobyerno sa pamilya ng mga nasawi dahil sa virus.
“We share the griefs of their families and no amount of tears can compensate their great losses,” ani Duterte.
Anya, nasa magulong panahon ngayon ang bansa dahil sa virus na naging dahilan kaya nahinto ang pangarap na pag-unlad.
Hindi rin daw exempted sa virus ang mga mayayaman at mahihirap.
Nagpahayag ng pag-asa si Duterte na matutuklasan na ang vaccine sa lalong madaling panahon.
Nilinaw din ng Pangulo na hindi pa rin niya papayagan ang face-to-face na klase ng mga estudyante hangga’t hindi nadidiskubre ang vaccine.
Isiniwalat din ni Duterte na kinausap niya si Chinese President Xi Jinping kaugnay sa COVID-19 apat na araw na ang nakalilipas at umapela siya na kung mayroon ng vaccine ang China ay unahing bigyan ang Pilipinas.
Samantala, umapela ang Pangulo sa Kongreso na ipasa ang Bayanihan to Recover As One katulad ng ginawa nilang pagpasa sa Bayanihan to Heal as One Act.
Sinabi rin ni Duterte na dahil sa mga ginawa ng gobyerno, naiwasan na umabot sa 1.3 milyon hanggang 3.5 milyon ang may impeksiyon.
Pero inamin din ng Pangulo na nahirapan ang gobyerno sa pagpapatupad ng Social Amelioration Program (SAP) kasabay ang babala sa mga oportunista na nagpabagal sa pagpapatupad ng programa.
Pinaiimbestigahan din niya sa DSWD at DILG ang reklamo ng ilang drivers na hindi nakatanggap ng kahit anong tulong mula sa gobyerno.
Pinasalamatan din ni Duterte ang mga local government units (LGUs) dahil sa kanilang sariling aksiyon na labanan ang COVID-19.