Rep. Johnny Pimentel, attendee sana ng SONA, positibo sa COVID-19
MANILA, Philippines — Ilang oras bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, isang mambabatas na lalahok sana sa pagtitipon ang nakumpirmang positibo sa coronavirus disease (COVID-19), Lunes.
Kinumpirma ni Deputy Speaker Johnny Pimentel, na kinatawan din ng Surigao del Sur, ang balita ngayong araw — dahilan para maging ika-23 kaso sa loob ng Kamara.
"Oo, nagpa-swab test ako kahapon nang 8 a.m. sa Konggreso, bagay na hinihingi ng [Presidential Security Group]," ani Pimentel sa isang pahayag sa Inggles.
"Bandang 11:30 p.m., inabisuhan ako ni Dr. Dizon na positibo ako at ipinadala ang resulta sa aking mail."
Kasalukuyang nasa isolation ang naturang mambabatas at hindi muna makakadalo sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte mamayang 4:00 p.m.
Kasama si Pimentel sa 27 miyembro ng House of Representatives na nakalistang dadalo sa pisikal na talumpati ni Digong mamaya sa Batasang Pambansa.
Deputy Speaker Johnny Pimentel, who is among the 27 House lawmakers enlisted to be physically present at the President's SONA later, tests positive for COVID-19 @News5AKSYON
— Ria Fernandez TV5 (@RiaMFernandezTV) July 27, 2020
"There will be no more interviews after the SONA because media will not be allowed in the halls," sabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar sa ulat ng ANC.
Tanging ang People's Television Network (PTV) at Radio TV Malacañang (RTVM), na pawang pinatatakbo ng gobyerno, ang pinapayagang mag-cover ng SONA ng pangulo.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang kumpirmahin ng PSG ang pagpositibo ng nasa walo nilang kawani mula sa nakamamatay na virus, ngunit pare-pareho silang hindi nakasalamuha ni Duterte.
"Patatatagin namin ang pagiging 360-degree shield para sa presidente at seat of central power sa bansa," ayon kay PSG commander Col. Jesus Durante III noong Miyerkules. — may mga ulat mula kay The STAR/Edu Punay at News5/Ria Fernandez
- Latest