Takaw-disgrasya: Engineers pinuna ang aprubadong COVID-19 barriers sa motor
MANILA, Philippines — Kamot-ulo ngayon ang isang asosasyon ng mechanical engineers hinggil sa disenyong inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa mga umaangkas sa motorsiklo sa gitna ng pandemya, bagay na maaari pa raw magdulot ng karagdagang panganib sa mga sumasakay.
Ilang buwan ding pinagbawalan ng IATF ang pag-angkas sa motorsiklo para makaiwas sa hawaan ng coronavirus disease (COVID-19), hanggang sa aprubahan ang barriers ni Bohol Gov. Arthur Yap at ng motorcycle taxi service na Angkas.
Pero sa ginawang analysis nina Jeffrey Singson, presidente ng Philippine Society of Mechanical Engineers (PSME), nakita nilang negatibo ang magiging ambag ng shields sa kaligtasan, kalusugan, ekonomiya at kalikasan.
"When the motorcycle is in motion, the barrier will contribute to the change of the designed allowable aerodynamic forces (drag and lift) which will compromise the stability of the motorcycle. This will place the safety of the riders at risk," ani Singson.
"With the barrier attached either to the motorcycle, to the rider, or being held by the backrider, this compromises the safety of the motorcycle and the riders in general."
Ipinasilip sa reporters ng motorcyle taxi company na @angkas, Biyernes, ang mungkahing modipikasyon sa kanilang serbisyo sa pag-asang makakapasada uli kahit may COVID-19. | via @james_relativo/@PilStarNgayon pic.twitter.com/CYt0Pl2oK5
— Philstar.com (@PhilstarNews) June 19, 2020
Aniya, ibinatay nila ang kanilang pagsusuri sa pakikipag-ugnayan ng hangin sa gumagalaw na bagay — na kanilang tinatawag na fluid dynamics o aerodynamics.
Gayunpaman, tuwing umaarangkada ang motorsikilo ay nag-iipon daw ng pressure ang harapan ng pananggalang habang lumilikha ng "turbulence" at "suction" sa likod ng barrier, sabi ni Singson.
Bunsod nito, hindi raw magagarantiyahan ng PSME na magiging epektibo ang shield mula sa pagkalat ng air particles sa nagmamaneho at pasahero.
Takaw-gasolina rin daw sa gasolina ang ganitong disenyo dahil sa konsepto ng air resistance, babala ng grupo: "This directly affects the economy of the motorcycle resulting to increase in fuel consumption which contributes to the increase in emission and air pollutants which ultimately affects the environment."
Una nang iginiit ni George Royeca, chief transport advocate ng Angkas, na aerodynamic ang kanilang disenyo at hindi magiging sagabal sa pagmamaniobra ng driver.
"Apart from it stopping the transmission, or reducing the transmission of the virus [kapag umuubo o bumabahing], ang importante po is hindi rin ito maging sagabal mismong pagmomotor," ani Royeca.
Kasama rin daw sa panuntunan ng Angkas ang regular na disinfection ng shield at pagpapadala ng sariling helmet sa mga commuter.
Matatandaang pinalagan din ni Sen. Ralph Recto ang mga bagong disenyo, sa dahilang magkatabi naman sa kama ang mga mag-asawa't mag-partners na pinapayagang sumakay sa iisang motorsiklo: "Isn't the protection offered them by the motorcycle barrier during the day cancelled by their intimacy at night?"
Dagdag pa ni Recto, sana raw ay dumaan muna ito sa test runs at workshop review ng mga dalubhasa.
Deadline sa pagsunod
Samantala, pinaalalahanan naman ni Joint Task Force Corona Virus Shield (JTF COVID Shield) commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar ang mga nagmomotorsiklo tungkol sa petsa ng pagsunod sa bagong regulasyon.
Sa isang pahayag Biyernes, sinabi ni Eleazar na binigyan pa kasi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana hanggang ika-31 ng Hulyo ang mga motorcycle riders para tumalima sa rekisitos ng pillion riding.
"In effect, motorcycle riders were given three weeks grace period to comply with this requirement," sabi ng opisyal.
"This will be the most that the government, through our NTF Against COVID-19, could give for our motorcycle riders to comply in order for them to be allowed to back-ride their spouses or live-in partners."
Ika-10 ng Hulyo nang simulang payagan ng NTF ang backriding sa kondisyon na magkakaroon ng barrier sa pagitan ng driver at pasahero.
Umabot na sa 1,564 ang nahuhuling motorcycle riders na lumalabag sa mga patakaran sa backriding. Hindi kasi mag-aasawa o live-in partners ang mga 'yan. — may mga ulat mula kay Franco Luna
- Latest