MANILA, Philippines — Magsisilbing “quarantine rules supervisor” ang bawat pulis na itatalaga sa bawat barangay para sa pagpapatupad ng mga health protocols.
Ito ang sinabi ni Joint Task Force COVID Shield Police Lt. Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar dahil sa tila pagiging kampante ng mga residente sa banta ng COVID-19.
Ayon kay Eleazar, marami ang nakakalimot sa simpleng health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing.
May mga reports din na may ilang nag-iinuman at iba pang labag sa quarantine rules.
“This fight must be brought to the community level and the best way to do it is to make the presence of the police felt in every barangay, especially in areas where Coronavirus infection is high,” giit ni Eleazar.
Sakaling hindi sapat ang pulis, hihingi ang PNP ng tulong sa AFP para tutukan ang mga barangay na maraming pasaway.
Giit pa ng heneral na nakikipag-ugnayan na siya kay Interior Secretary Eduardo Año ukol dito.
Suportado rin ni Eleazar ang panukala ni Año na isahang protocol para sa lahat ng lokal ng gobyerno tulad ng 30 araw na pagkakakulong o pagmulta ng nasa P5,000 para sa mga pasaway na lalabag sa quarantine.